Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

336/367

Nagiging Kagaya Niya Tayo, 30 Nobyembre

Ama, nais Kong ang mga ibinigay Mo sa Akin ay makasama Ko kung saan Ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay Mo sa Akin, sapagkat Ako’y Iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan. Juan 17:24. LBD 339.1

Nakararanas tayo sa ating gawain ng maraming panghihina ng loob. Pero hindi tayo makakukuha ng katiting na kalakasan sa pagtuon sa mga nakapagpapahina ng loob. Nababago tayo sa pamamagitan ng pagtingin. Sa pagtingin natin kay Jesus sa pananampalataya, nauukit ang Kanyang larawan sa puso. Nababago tayo sa karakter.— Letter 134, 1903. LBD 339.2

Marami ang dahil sa sobrang pagtuon sa teorya, ay nakalimutan ang buhay na kapangyarihan ng halimbawa ng Tagapagligtas. Nakalimutan nila Siya bilang siyang manggagawang mapagpakumbaba at mapagkait sa sarili. Ang pagmasdan si Jesus ang kailangan nila. Kailangan natin ng sariwang paghahayag araw-araw ng Kanyang presensya.— The Ministry of Healing, p. 457. LBD 339.3

Habang nakikita natin ang perpeksyon ng karakter ng ating Tagapagligtas, hahangarin nating mabago nang lubusan, at mapanibago sa larawan ng Kanyang kalinisan. Kung higit nating kilala ang Diyos, mas mataas din ang magiging huwaran natin ng karakter, at mas masikap din ang pananabik nating ipakita ang Kanyang larawan. Isang banal na elemento ang sumasanib sa pagiging tao kapag inaabot ng kaluluwa ang Diyos.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 35. LBD 339.4

Habang nababatid ng isang tao ang kasaysayan ng Manunubos, nakikita rin niya sa kanyang sarili ang malulubhang kasiraan. . . . Nahahagip niya ang hitsura, at ang espiritu ng minamahal niyang Panginoon. . . . Hindi sa pamamagitan ng pagtingin palayo sa Kanya na nagagaya natin ang buhay ni Jesus, kundi sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa Kanya, sa pagbubulay-bulay sa Kanyang mga kasakdalan, sa pagsisikap na dalisayin ang hilig at itaas ang karakter, sa pagtatangka, sa pamamagitan ng pananampalataya at pag-ibig, at sa pamamagitan ng masigasig at matiyagang pagsisikap na maging halos katulad ng perpektong Huwaran. Sa pagkakaroon ng pagkakilala kay Cristo— sa Kanyang mga salita, sa Kanyang mga ugali, at sa mga liksyon Niyang itinuturo—nahihiram natin ang mga katangian ng karakter na napakaigi nating pinag-aralan, at napupuspos ng espiritung labis nating hinangaan. Si Jesus sa atin ay nagiging “Namumukod-tangi sa sampung libo,” ang Isang “totoong kanais-nais” (Awit ng mga Awit 5:10, 16).— The Review and Herald, March 15, 1887. LBD 339.5