Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Napupuno Tayo ng Pagpupuri, 29 Nobyembre
Pinupuri ko ang Panginoon sa lahat ng panahon; ang pagpuri sa Kanya ay laging sasaaking bibig. Awit 34:1. LBD 338.1
Makabubuti sa atin ang gumugol ng mapag-isip na oras bawat araw sa pagbubulay-bulay sa buhay ni Cristo. Kailangan nating unawain ito nang paisa-isang puntos, at hayaang mahagip ng imahinasyon ang bawat eksena, lalo na ang bandang papatapos na. Habang pinagtutuunan natin nang ganyan ang napakalaki Niyang sakripisyo para sa atin, magiging mas matatag ang pagtitiwala natin sa Kanya, mabubuhay ang pagmamahal natin, at mas malalim tayong mapupuspos ng Kanyang Espiritu. . . . LBD 338.2
Habang nagsasama-sama tayo, puwede tayong maging pagpapala sa isa’t isa. Kung kay Cristo tayo, Siya ang ating pinakamatamis na iniisip. Kahihiligan natin ang magsalita tungkol sa Kanya; at habang nagsasalita tayo sa isa’t isa ng tungkol sa Kanyang pag-ibig, mapalalambot ang ating mga puso ng mga banal na impluwensya. Palibhasa ay napamamasdan ang kagandahan ng Kanyang karakter, tayo ay “nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian” (2 Corinto 3:18).— The Desire of Ages, p. 83. LBD 338.3
Mahal kayo . . . ng Panginoong Jesus. Kung duda kayo sa Kanyang pagibig, tingnan na lang ninyo ang Kalbaryo. Nagpapakita sa inyo ang liwanag na naaaninag mula sa krus ng kalakihan ng pag-ibig na iyan na walang dila ang makapagsasabi. . . . LBD 338.4
Pinalilibutan kayo bawat sandali ng mga kahabagan ng Diyos; at makikinabang kayo kung titingnan ninyo kung paano dumarating at kung saan galing ang mga pagpapala sa inyo bawat araw. Hayaang gisingin ng mga pagpapala ng Diyos ang pagpapasalamat sa inyo. Hindi ninyo mabibilang ang mga pagpapala ng Diyos, ang di-nagbabagong tapat na pag-ibig na ipinahayag sa inyo, sapagkat ito ay kasindami ng nagpapanariwang patak ng ulan. Nakabitin sa itaas mo ang mga ulap ng awa, at handa nang pumatak sa inyo. Kung pinasasalamatan ninyo ang mahalagang regalo ng kaligtasan, mabilis ninyong madarama ang araw-araw na pagpapanariwa, ang proteksyon at pagibig ni Jesus; magagabayan kayo sa daan ng kapayapaan. . . . LBD 338.5
Tingnan ninyo Siya, sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, yumuyuko sa inyo nang buong pagmamahal. . . . Gusto Niyang mabuhay kayo sa Kanyang presensya; na magkaroon ng walang-hanggang buhay at korona ng kaluwalhatian.— The Youth’s Instructor, January 5, 1887. LBD 338.6