Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Lubhang Lumalago ang Pananampalataya Natin, 21 Nobyembre
Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha. 2 Tesalonica 1:3. LBD 330.1
Tunay na mahalaga para sa mga sumasampalataya sa katotohanan na patuloy na sumusulong, lumalago sa ganap na kapuspusan ng mga lalaki at babae kay Cristo Jesus. Wala nang panahon para sa panunumbalik sa dating kasamaan at pagwawalang-bahala. Dapat magkaroon ang bawat isa ng buhay na karanasan sa mga bagay na ukol sa Diyos. Magkaroon kayo ng sarili ninyong ugat. Maging matibay kayo sa pananampalataya, upang yamang nagawa ninyo na ang lahat ay makatayo kayo nang may di-natitinag na pagtitiwala sa Diyos, padaan sa panahon na susubok sa gawa at karakter ng bawat tao. Sanayin ang inyong mga kakayanan sa mga espirituwal na bagay, hanggang sa kaya ninyo nang mapahalagahan ang malalalim na bagay sa Salita ng Diyos, at magpatuloy mula sa kalakasan tungo sa kalakasan. LBD 330.2
Libu-libong nagsasabing may liwanag ng katotohanan ang hindi humahakbang nang pasulong. Wala silang buhay na karanasan, kahit nasa kanila na ang lahat ng kalamangan. . . . Nag-aalok ang Salita ng Diyos ng espirituwal na kalayaan at pagkaunawa sa mga buong sikap na naghahanap dito. Ang mga tumatanggap sa mga pangako ng Diyos, at kumikilos ayon dito nang may buhay na pananampalataya, ay magkakaroon ng liwanag ng langit sa kanilang buhay. Iinom sila sa bukal ng buhay, at aakayin sila sa mga tubig na nagpanariwa sa sarili nilang kaluluwa. . . . LBD 330.3
Hindi kanais-nais ang mga bunga ng pag-aalinlangan. Naku! Tumingin kayo sa palibot ninyo at tingnan kung anong laking pinsala ang ginawa ng . . . diyablo. Naging makapangyarihan sa mga nadayang puso ng mga tao ang kamalian at kasinungalingan at maling paniniwala. Sa paglipas ng mga dantaon pinaulit-ulit ng kaaway ang kanyang mga eksperimento nang may lumalaking tagumpay; sapagkat sa kabila ng malulungkot na tala ng mga buhay na nagwakas sa kadiliman, gaya ng mga gamu-gamong lumilipad sa apoy, gayundin nagmamadali ang mga tao sa mga mapangwasak na pandaraya na inihanda niya para bitagin sila. . . . “Ang langit at ang lupa ay lilipas,” ngunit “ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailan man” (Lucas 21:33; 1 Pedro 1:25); at ang di-natitinag na pananampalataya sa Kanyang Salita ay siyang tanging pananampalataya na makatatagal sa mga panganib ng mga huling araw.— The Review and Herald, January 10, 1888. LBD 330.4