Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Inaalis Natin ang mga Pambatang Bagay, 19 Nobyembre
Nang ako’y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatwiran akong gaya ng bata. Ngayong ganap na ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata. 1 Corinto 13:11. LBD 328.1
Hindi tayo dapat laging manatiling mga bata sa ating kaalaman at karanasan sa mga espirituwal na bagay. Hindi tayo dapat laging magsalita sa wika ng isang katatanggap lang kay Cristo; kundi dapat lumago ang mga panalangin at paghimok natin sa katalinuhan habang sumusulong tayo sa karanasan sa katotohanan. Ang wikang pang-anim na taong gulang na bata sa isang batang sampung taon na ang edad, ay hindi natin ikinatutuwa, at gaano pa kaya kasaklap na marinig ang mga salitang pambata sa isang matagal nang may-gulang. Kapag umedad na ang isang tao, inaasahan natin sa kanya ang katumbas na katalinuhan, ayon sa kanyang taon at mga pagkakataon. . . . Pero kung inaasahan natin ang mga palatandaang ito ng paglago ng karunungan sa bata habang sumusulong ang kanyang edad, hindi rin ba dapat nating makita na ang isang Cristiano ay lumalago sa biyaya at karanasan? . . . LBD 328.2
Binigyan tayo ng Diyos ng maraming kalamangan at pagkakataon, at kapag mangyari na ang huling dakilang araw, at makita natin kung ano ang puwede sana nating naabot kung sinamantala lang natin ang mga katulungang minarapat ng Langit sa atin; kapag nakita natin kung paanong puwede pala sana tayong lumago sa biyaya, at mapagmasdan ang mga bagay na ito ayon sa pagtingin ng Diyos sa mga ito, na nakikita kung ano ang nawala sa atin dahil sa kabiguang lumago sa buong kapuspusan ng mga lalaki at babae kay Cristo, hahangarin nating mas naging determinado pa sana tayo.—The Youth’s Instructor, June 28, 1894. LBD 328.3
Ayaw ng Diyos na manatili kayong mga baguhan. Kailangan Niya sa Kanyang gawain ang lahat ng maaabot mo rito sa larangan ng paghubog sa isipan at malinaw na pagkaunawa. Gusto Niyang maabot ninyo ang pinakamataas na baitang ng hagdanan, at pagkatapos ay humakbang mula rito patungong kaharian ng Diyos. LBD 328.4
Gusto ng Panginoon na maunawaan ninyo ang katayuang kinalalagyan ninyo bilang mga anak na lalaki at babae ng Kataas-taasan, mga anak ng Hari sa langit.— The Youth’s Instructor, May 10, 1900. LBD 328.5