Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Gumagawa ang Diyos sa Atin Para Gawin ang Mabuti Niyang Kalooban, 18 Nobyembre
Isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig; sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa Kanyang mabuting kalooban. Filipos 2:12, 13. LBD 327.1
Ang relasyon natin sa Diyos ay kagaya ng sa mga munting anak sa kanilang mga magulang. Binabantayan ng Diyos ng kalangitan ang Kanyang bayan, ang Kanyang iglesia, kagaya ng pagbabantay ng mga mapagmahal na magulang sa kanilang mga anak. At kasinghangal tayo ng maliliit na bata; sapagkat gaano tayo kadaling mag-isip na alam na natin ang lahat, samantalang hindi pa natin talaga nasisimulang malaman kung ano ang hinihintay na ituro ng Diyos sa atin kapag nagpakita tayo ng kahandaang sumunod sa Kanyang mga hakbang. LBD 327.2
Hindi ba tayo bababa sa ating kalagayan ng sariling katuwiran, at tulad sa mga munting bata ay pasimulan ang gawain ng Diyos? Handa ba tayong maturuan at mapangunahan? Nagsisimula pa lang tayong lumakad sa padapa-dapang mga hakbang. Matututo rin tayong humakbang nang mas matatag sa tamang panahon, pero nanganganib tayo ngayon na matalisod at madapa anumang sandali. Mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, bawat isa sa atin ay may mga espirituwal na kahinaan at problemang katulad din sa mga kahinaan at problema ng mga walang-magawang anak. At kung paanong hindi puwedeng umasa sa isa’t isa ang mga walang-karanasang anak, kundi dapat umasa sa kanilang mga magulang, dapat din naman nating matutuhanh huwag isalalay ang walang-kaya nating kaluluwa sa sinumang tao, kundi manghawak sa Isang makapangyarihang magligtas. . . . LBD 327.3
Tinatawagan tayo ng Diyos na kumilos nang may takot sa Kanya at lumakad nang may panginginig sa harapan Niya. “Isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan,” sabi Niya, “na may takot at panginginig. . . .” LBD 327.4
Hangga’t gumagawa tayo sa mga hanay ni Cristo, na nanghahawak sa bisig ng Isang Makapangyarihan, ligtas tayo; subalit sa sandaling luwagan natin ang ating kapit sa Kanyang bisig, at magsimulang umasa sa mga tao, nasa malaking panganib tayo. Sa mismong araw na ito, hangad ng Panginoon na abutin natin ang mas mataas na pamantayan kaysa naabot na natin sa nakaraan. Araw-araw, kailangan nating sumulong pataas, laging pataas, hanggang sa masasabi na sa atin bilang isang bayan, “Kayo’y napuspos sa Kanya” (Colosas 2:10).— Manuscript 96, 1902. LBD 327.5