Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Isuot ang Buong Kasuotang Pandigma ng Diyos, 17 Nobyembre
Kaya’t kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo’y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag. Efeso 6:13. LBD 326.1
Panatilihin natin sa lahat ng kalagayan ang ating pagtitiwala kay Cristo. Dapat Siyang maging lahat-lahat sa atin—ang una, ang huli, at ang pinakamabuti sa lahat ng bagay. Turuan natin kung gayon ang ating mga dila na salitain ang Kanyang papuri, hindi lamang kapag nakadarama tayo ng kasiyahan at kagalakan, kundi sa lahat ng panahon. LBD 326.2
Panatilihin nating puno ang ating puso ng mahahalagang pangako ng Diyos, upang makapagsabi tayo ng mga salitang magiging kaaliwan at kalakasan ng iba. Matututuhan natin sa gayon ang wika ng mga makalangit na anghel, na kung tapat tayo ay makakasama natin sa buong walanghanggang panahon. Dapat tayong sumulong bawat araw sa pagkakaroon ng perpeksyon ng karakter, at tiyak na magagawa natin ito kung nagpapatuloy tayo tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus (Filipos 3:14). Huwag nating pag-usapan ang matinding kapangyarihan ni Satanas, kundi ang matinding kapangyarihan ng Diyos. . . . LBD 326.3
Sa bawat kaluluwa ay dalawang puwersa ang buong sikap na nagpupunyagi para sa tagumpay. Tinitipon ng kawalang-pananampalataya ang mga puwersa nito, na pinangungunahan ni Satanas, upang ihiwalay tayo sa Pinagmumulan ng ating lakas. Tinitipon naman ng pananampalataya ang mga puwersa nito, na pinangungunahan ni Cristo, ang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Oras-oras, sa paningin ng makalangit na sansinukob, ang labanan ay nagpapatuloy. Harapang labanan ito, at ang malaking tanong ay, Sino ang magwawagi? Dapat personal na pagpasyahan ng bawat isa ng tanong na ito. Dapat makibahagi ang lahat sa digmaang ito, nakikipaglaban para sa isang panig o sa kabila. Walang pahinga mula sa labanang ito. . . . Hinihimok tayong maghanda para sa labanang ito. “Patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng Kanyang lakas. Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo’y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo” (Efeso 6:10, 11). At inuulit ang babala, “Kaya’t kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo’y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag” (talatang 13). LBD 326.4
Siya . . . na nabigyan na ng lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa, ay darating upang tulungan ang mga nagtitiwala sa Kanya.— The Youth’s Instructor, January 10, 1901. LBD 326.5