Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Tuluy-tuloy na Imbakan ang Isipan ng Banal na Katotohanan, 16 Nobyembre
Gayon Niya ipinagkaloob sa atin ang Kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos. 2 Pedro 1:4. LBD 325.1
Tungkulin ng bawat anak ng Diyos na imbakan ang kanyang isipan ng banal na katotohanan; at kung lalo niya itong ginagawa, lalo rin siyang magkakaroon ng kalakasan at linaw ng isipan upang maunawaan ang malalalim na mga bagay ng Diyos. At siya ay lalo at mas lalo pang masikap at masigla, habang naisasagawa ang mga prinsipyo ng katotohanan sa arawaraw niyang buhay. LBD 325.2
Espirituwal na buhay ang magiging pagpapala sa sangkatauhan. Siyang kaayon ng Diyos, ay parating aasa sa Kanya para sa kalakasan. “Kaya’t kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48). Kailangang maging gawain ng ating buhay ang laging may inaabot sa unahan sa paglubos ng Cristianong karakter, laging nagsusumikap na makaayon sa kalooban ng Diyos. Magpapatuloy ang mga pagsisikap na sinimulan dito sa buong walang-hanggan. Mapapasaatin ang pagsulong na ginawa rito kapag pumasok na tayo sa buhay na darating. LBD 325.3
Ang mga kabahagi ng kaamuan, kalinisan, at pag-ibig ni Cristo, ay magagalak sa Diyos, at magsasabog ng liwanag at katuwaan sa lahat ng nasa palibot nila. Ang kaisipang namatay si Cristo upang makuha para sa atin ang regalong walang-hanggang buhay, ay sapat na upang ilabas sa ating mga puso ang pinakataos at pinakamaalab na pasasalamat, at sa ating mga labi ang pinakamasiglang papuri. Ang mga pangako ng Diyos ay masagana, at lubos, at libre. Sinumang sa kalakasan ni Cristo ay susunod sa mga kondisyones ay puwedeng angkining sarili niya ang mga pangakong ito, kasama na ang lahat ng kayamanan ng pagpapala nito. At yamang natustusan nang ganyan mula sa kabang-yaman ng Diyos, sa lakbayin ng buhay siya ay puwedeng “lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakalulugod” (Colosas 1:10); na sa pamamagitan ng maka-Diyos na halimbawa ay pinagpapala ang kanyang mga kapwa-tao, at pinararangalan ang Maylikha sa kanya. Samantalang babantayan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod laban sa sobrang tiwala sa sarili sa pamamagitan ng paalalang, “Kung wala Ako ay wala kayong magagawa” (Juan 15:5), para palakasin ang ating loob ay sinamahan din Niya ito ng mabiyayang katiyakan na, “Ang nananatili sa Akin . . . ay siyang nagbubunga ng marami.”— The Review and Herald, September 20, 1881. LBD 325.4