Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Hindi Nililimitihan ng Diyos ang Ating Pagsulong, 14 Nobyembre
Upang kayo’y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa Kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. Nawa’y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng Kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak. Colosas 1:10, 11. LBD 323.1
Hindi nagtatakda ng limitasyon ang Diyos sa pagsulong ng mga puspos “ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal” (Colosas 1:9). Sa pamamagitan ng panalangin, sa pamamagitan ng pagmamatyag, sa pamamagitan ng paglago sa pagkaunawa, napapalakas tayo “sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng Kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak.” . . . LBD 323.2
Napakalawak ng plano ng Diyos para sa atin, lipos na lipos, kumpletungkumpleto, anupa’t mayroon tayo ng bawat dahilan para makipagtulungan nang buong puso sa Kanya sa pagsasakatuparan nito. Wala tayong dahilan para mag-urung-sulong. . . . Kailangan nating kumuha ng bagong suplay arawaraw mula sa dakilang imbakan ng Salita ng Diyos. Hindi ito magbibigay ng panahon para sa pagbabasa ng nobela, o para sa anumang hindi nagpapatibay at nagpapalakas sa bawat mabuting gawa. . . . Magagamit ng mga anak ng Diyos ang mga kayamanan ng langit.— The Review and Herald, October 4, 1906. LBD 323.3
Bubuntot sa inyo bawat araw ang manunukso dala ang ilang mapandaya at parang tamang pagdadahilan sa inyong pagsisikap sa pansariling kapakanan, at sa inyong pagbibigay-lugod sa sarili. . . . Ang isang taong lubusang ibinigay sa Diyos ang puso, ang isang tumatanggap kay Jesu-Cristo bilang personal na Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, ay maghahayag ng tuluy-tuloy na paglago sa espirituwalidad, sa kalakasan ng kabanalan, sa tatag ng layunin, sa katapatan sa mga prinsipyo ng ating pananampalataya kahit na ano pa ang maging kapalit. . . . LBD 323.4
Pararangalan at aalalayan ng Diyos ang bawat tapat ang puso at masikap na kaluluwang pinagsisikapang lumakad sa harapan Niya sa kasakdalan ng biyaya ni Cristo. Hindi iiwan ni pababayaan man ng Panginoong Jesus ang isang mapagpakumbaba at nanginginig na kaluluwa. . . . Kaya ba nating pahalagahan ang kalakasan ng mga pangako ng Diyos nang may matalas at napabanal na pang-unawa, at gamitin ang mga ito sa kanya-kanya nating sarili, hindi dahil karapat-dapat tayo, kundi dahil karapat-dapat si Cristo? Hindi dahil matuwid tayo, kundi inaangkin natin sa pamamagitan ng buhay na pananampalataya ang katuwiran ni Cristo alang-alang sa atin?— Manuscript 125, 1901. LBD 323.5