Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Kailangan Nating Lumago sa Espirituwal, 13 Nobyembre
Aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin. 1 Tesalonica 4:10. LBD 322.1
Abot-kamay ninyo ang higit pa sa mga posibilidad na mayroong hangganan. Ang isang tao, ayon sa paggamit ng Diyos sa salitang ito, ay anak ng Diyos. “Ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya, sapagkat Siya’y ating makikita bilang Siya. . . .” (1 Juan 3:2). Pribilehiyo ninyo ang lumayo sa kung anong mumurahin at mahinang-klase, at umakyat sa mataas na pamantayan—ang respetuhin ng mga tao at pakamahalin ng Diyos. LBD 322.2
Ang gawaing panrelihiyon na ibinibigay ng Panginoon sa mga kabataan, at sa mga taong nasa lahat na ng edad, ay nagpapakita ng respeto Niya sa kanila bilang Kanyang mga anak. Ibinibigay Niya sa kanila ang gawain ng pamamahala sa sarili. Tinatawagan Niya sila para maging kabahagi Niya sa dakilang gawain ng pagtubos at pag-aangat. Kung paanong isinasali ng tatay ang kanyang anak bilang kabakas sa kanyang negosyo, ginagawa ring kabakas ng Panginoon ang Kanyang mga anak. . . . LBD 322.3
Kailangan ng mga kabataang lalaki at babae ng marami pang biyaya ni Cristo upang madala nila ang mga prinsipyo ng Cristianismo sa araw-araw nilang buhay. Ang paghahanda sa pagdating ni Cristo ay isang paghahandang ginagawa sa pamamagitan ni Cristo para sa pagsasanay ng pinakamatataas nating katangian. . . . Pero may tiyakang pangangailangan ng pananatiling malapit kay Jesus. Siya ang ating kalakasan at kahusayan at kapangyarihan. Hindi tayo puwedeng umasa sa ating sarili ng kahit isang saglit. LBD 322.4
Mga kabataan, sanayin ninyo ang kakayahan ninyo nang may buong katapatan, bukas-palad na ibinabahagi ang liwanag na ibinibigay sa inyo ng Diyos. Pag-aralan ninyo kung paano pinakamabuting maibibigay sa kapwa ang kapayapaan, at liwanag, at katotohanan, at ang maraming saganang pagpapala ng langit. Patuloy kayong mas bumuti pa. Mas mataas at mas mataas pa ang patuloy ninyong abutin. Ang kakayahang gamitin ang kalakasan ng isipan at katawan, na laging inaalala ang mga walang-hanggang reyalidad, ang siyang may malaking halaga ngayon. . . . Magtiyaga kayo sa gawaing inyong pinasimulan, hanggang sa sunud-sunod na tagumpay ang inyong makamtan. Turuan ninyo ang inyong sarili para sa isang layunin. Pagtuunan ng pansin ang pinakamataas na pamantayan upang makagawa kayo ng mas malaki at mas malaki pang kabutihan, naipapakita ninyo sa gayon ang kaluwalhatian ng Diyos.— The Youth’s Instructor, January 25, 1910. LBD 322.5