Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pagsikapang Maabot ang mga Panibagong Kataasan sa Pananampalataya, 12 Nobyembre
Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa Iyo, O Diyos ko. Awit 42:1. LBD 321.1
Maraming kabataan . . . ang lumulubog sa bawat ulap, at walang kapangyarihang makatagal. Hindi sila lumalago sa biyaya. . . . Kailangang mabago ang mga makalaman nilang puso. Dapat nilang makita ang kagandahan sa kabanalan; sa gayon ay mananabik sila rito kagaya ng usang nananabik sa tubig ng batis. . . . LBD 321.2
Kung iniutos ng Panginoon ang mga hakbang ninyo, mga mahal na kabataan, hindi ninyo dapat asahang ang inyong landas ay palagi na lamang panlabas na kapayapaan at kasaganaan. Ang landas na humahantong sa walang-hanggang araw ay hindi ang pinakamadaling tahakin, at minsan ay para itong madilim at matinik. Subalit nasa inyo ang katiyakang nakapalibot sa inyo ang walang-hanggang mga bisig ng Diyos, upang protektahan kayo sa kasamaan. Gusto Niya kayong magsanay ng maalab na pananampalataya sa Kanya, at matutong magtiwala sa Kanya sa lilim at gayundin sa sikat ng araw. LBD 321.3
Sa pagsisikap niyang marating ang kanyang tahanan, ang agila ay kadalasang hinahagupit ng bagyo sa makikipot na daan sa kabundukan. Ang mga ulap, sa maiitim at nagngangalit na kumpol, ay pumapalis sa pagitan niya at ng maaraw na kataasang pinaglagyan niya sa kanyang pugad. Saglit siyang parang natataranta, at humahagibis banda rito at banda riyan, ipinapagaspas ang malalakas niyang pakpak na tila upang itaboy ang makakapal na ulap. . LBD 321.4
. . Sa wakas ay lumipad siya paitaas sa kadiliman, at nag-iwan ng matinis na huni ng pagtatagumpay habang siya ay lumalabas ilang saglit bandang huli sa mapayapang sikat ng araw sa ibabaw. Ang kadiliman at bagyo ay pawang nasa ibaba na niya, at ang liwanag ng langit ay sumisikat na sa palibot niya. Narating niya ang minamahal na tahanan sa napakatayog na bato, at siya ay nasiyahan. Narating niya ang liwanag sa pamamagitan ng pagdaan sa kadiliman. Kinailangan niya ng pagsisikap para magawa ito, ngunit siya ay ginantimpalaan sa pagkakamit ng layuning sinisikap niyang matamo. LBD 321.5
Ito ang tanging landas na puwede nating tahakin bilang mga tagasunod ni Cristo. Kailangan nating sanayin ang buhay na pananampalatayang iyon na tatagos sa mga ulap, na katulad sa makapal na pader, ay naghihiwalay sa atin sa liwanag ng langit. May mga kataasan ng pananampalataya tayong dapat abutin kung saan ang lahat ay pawang kapayapaan at k Espiritu.— The Youth’s Instructor, May 12, 1898. LBD 321.6