Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

306/367

Nagagalak Tayo sa Panginoon, 31 Oktubre

Maging kalugud-lugod nawa sa Kanya ang aking pagbubulaybulay, para sa akin, ako’y magagalak sa Panginoon. Awit 104:34. LBD 309.1

Ipagkatiwala ninyo nang lubusan ang sarili ninyo sa mga kamay ni Jesus. Inyong pagbulay-bulayan ang dakila Niyang pag-ibig, at habang binubulay-bulay ang pagtanggi Niya sa sarili, ang walang-hanggang sakripisyong ginawa Niya para sa atin upang sumampalataya sa Kanya, mapupuno ang inyong puso ng banal na kagalakan, ng panatag na kapayapaan, at ng di-mailarawang pag-ibig. Habang nagsasalita tayo ng tungkol kay Jesus, habang tumatawag tayo sa Kanya sa panalangin, titibay ang tiwala natin na Siya nga ang personal at mapagmahal nating Tagapagligtas, at magiging higit at higit na kanais-nais ang Kanyang karakter. . . . Maaari tayong magtamasa ng masasaganang kapistahan ng pag-ibig, at habang lubusan tayong naniniwala na Kanya na tayo, sa pamamagitan ng pagkupkop, maaari tayong magkaroon ng paunang tikim ng langit. Maghintay ka sa Panginoon sa pananampalataya. Hinihila ng Panginoon ang kaluluwa sa pananalangin, at ipinadadama sa atin ang mahalaga Niyang pag-ibig. Nagiging malapit tayo sa Kanya, at magiliw na nakakausap Siya. Nagkakaroon tayo ng bukud-tanging pananaw sa Kanyang kabaitan at kahabagan, at nadudurog at natutunaw ang mga puso natin sa pagbubulay-bulay sa pag-ibig na ibinigay sa atin. Nadarama talaga natin ang nananatiling Cristo sa kaluluwa. . . . Tulad sa isang ilog ang kapayapaan natin, sunud-sunod na alon ng kaluwalhatian ang dumadagsa sa puso, at kasalo nga tayong maghapunan ni Jesus. May nakauunawang pagkadama tayo sa pag-ibig ng Diyos, at nagpapahinga tayo sa Kanyang pag-ibig. Walang salita ang kayang maglarawan dito, lagpas pa ito sa kaalaman. Kaisa tayo ni Cristo, natatagong kasama ni Cristo sa Diyos ang ating buhay. Mayroon tayong katiyakan na kapag nahayag Siya na ating buhay, ay mahahayag nga rin tayo na kasama Niya sa kaluwalhatian. Puwede nating tawaging Ama natin ang Diyos sa matibay na pagtitiwala. Mabuhay man tayo o mamatay, sa Panginoon tayo. Ginagawa tayo ng Kanyang Espiritu na kagaya ni Jesu-Cristo sa kalooban, at sa pag-uugali, at naipapakita natin si Cristo sa iba. Kapag nananatili si Cristo sa kaluluwa, hindi maitatago ang katotohanang ito; sapagkat gaya Siya ng isang balon ng tubig na bubukal sa buhay na walang-hanggan. Wala tayong magagawa kundi ang ipakita ang larawan ni Cristo sa ating karakter, at ang ating mga salita, ang ating pagkilos, ay nagdudulot sa iba ng malalim, nananatili, at lumalagong pagmamahal kay Jesus, at ipinakikita natin . . . na kaayon nga tayo ng larawan ni Jesu-Cristo.— Letter 52, 1894. LBD 309.2