Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Si Cristo sa Inyo, ang Pag-asa ng Kaluwalhatian, 30 Oktubre
Sa kanila ay ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito’y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa sa kaluwalhatian. Colosas 1:27. LBD 308.1
Di-nasisiyahang pakiramdam at di-kontentong pagrereklamo ang nagdadala ng sakit ng katawan at isipan sa halos lahat. Wala silang Diyos, wala silang pag-asang pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing, bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa (Hebreo 6:19). Naglilinis ng kanilang sarili ang lahat ng may ganitong pag-asa, gaya naman Niyang malinis. Malaya ang mga ganyan sa walang-tigil na paghahangad, pagdaing, at kawalang-kontento; hindi sila laging naghahanap ng kasamaan at hindi dinidibdib ang hiram na problema. Subalit nakakikita tayo ng maraming nauuna pang makaranas ng panahon ng kaguluhan; bakas ang pag-aalala sa bawat bukas ng mukha; parang wala silang masumpungang kaaliwan, kundi palaging may kakila-kilabot na paghihintay sa nakatatakot na kasamaan. . . . Hindi maitatama ng mga walang-kabuluhang libangan ang mga isipan ng ganyan. Ang bumabagong impluwensya ng Espiritu ng Diyos ang kailangan nila para maging masaya. Kailangan nilang makinabang sa pamamagitan ni Cristo, para magkatotoo ang kaaliwan, na banal at masagana. “Sapagkat, Ang nagmamahal sa buhay, at nais makakita ng mabubuting araw . . . lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan; hanapin niya ang kapayapaan, at ito’y lakaran” (1 Pedro 3:11). . . . Ang mga may kaalaman sa talatang ito base sa kanilang karanasan ay talaga ngang masasaya. . . . Si Cristo na nasa kanila, ang pag-asa ng kaluwalhatian, ay magiging kalusugan ng katawan at kalakasan ng kaluluwa.— Testimonies for the Church, vol. 1, p. 566. LBD 308.2
Ang kaluluwang lipos ng pag-ibig ni Jesus . . . ay gustung-gustong pagbulayan si Jesus, at sa pagtingin sa Kanya, ay mababago sa Kanyang larawan. Nahuhubog sa loob niya si Cristo, ang pag-asa ng kaluwalhatian. Nadaragdagan ang kanyang tiwala . . . at lumalalim at lumalawak ang kanyang pagmamahal, sapagkat siya ay may katiyakan na siya ay nananatili kay Cristo, at si Cristo ay nananatili sa kanya. . . . At maaari tayong umasa kay Jesus para sa pinakamagiliw Niyang pagdamay at mapalakas ang loob na magtiyaga, na inilalagak ang buong tiwala natin sa Kanya na nagsabing, “Laksan ninyo ang inyong loob, dinaig Ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33).—The Youth’s Instructor, August 9, 1894. LBD 308.3