Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pinatawad ang Pagsuway, Tinakpan ang Kasalanan, 29 Oktubre
Mapalad siya na pinatawad ang pagsuway, na ang kasalanan ay tinakpan. Awit 32:1. LBD 307.1
Ang Diyos na nag-uukol ng pansin sa pagkahulog ng isang maya, ay binibigyang-pansin din ang inyong pag-uugali at ang inyong mga damdamin; pansin Niya ang inyong inggit, ang mali ninyong iniisip sa kapwa, ang pagtatangka ninyong ipagmatuwid ang inyong ginawa sa pinakamaliit na usapin ng kawalang-hustisya. Kapag mali ang pakahulugan ninyo sa mga sinabi at ginawa ng isa pang tao, at ang sarili ninyong pakiramdam ay napukaw, anupa’t nakapagbitiw kayo ng mga maling salita, at alam na hindi ninyo kasundo ang inyong kapatid, inaakay ninyo kung gayon ang iba sa pamamagitan ng tiwala nila sa inyo, na ituring siya kagaya ng pagturing ninyo sa kanya; at marami ang nahahawa sa pagsibol ng ugat ng kapaitan. Kapag malinaw na hindi tama ang inyong mga pakiramdam, ang pagsisikap ba ninyong alisin ang mga maling impresyon ay kasingsigasig ng paglikha ninyo nito? . . . . LBD 307.2
Hinihingi ng Diyos ngayon na kayong nakagawa sa ganyan ng pinakamaliit na kawalang-hustisya sa kapwa ay ipahayag ang inyong pagkakamali, hindi lamang sa nasaktan ninyo, kundi sa mga taong dahil sa impluwensya ninyo ay naakay na ituring ang kanilang kapatid sa maling liwanag, at walaing kabuluhan ang gawaing ipinagagawa sa kanya ng Diyos. . . . Sa pagsisisi at pagtatapat ng kasalanan ay puwedeng maisulat ang “pinatawad” sa tapat ng inyong pangalan; o kaya ay puwede mninyong labanan ang kombiksyon ng Espiritu ng Diyos, at sa natitira ninyong buhay, ay pagsikapan ninyong palabasin na wala nang magagawa pa sa mga mali ninyong pakiramdam at dimakatuwirang pinagsasabi. Subalit nariyan pa rin ang inyong ikinilos, nariyan pa rin ang kasamaang ginawa, nariyan pa rin ang pagkawasak nung mga taong sa puso nila ay nagtanim kayo ng ugat ng kapaitan. . . . LBD 307.3
Anuman ang likas ng inyong kasalanan, ipahayag ito. Kung sa Diyos lang ninyo ito nagawa, sa Kanya lamang ito ipagtapat. Kung nagkamali kayo o nakasakit sa kapwa, aminin din ang kasalanan ninyo sa kanila, at mapapasaiyo ang pagpapala ng Panginoon. Namamatay kayo sa sarili sa paraang ito, at nahuhubog si Cristo sa loob ninyo. . . . Dapat walang-pasubali ang pagtatalaga natin sa Diyos, dapat maalab ang pagmamahal natin sa Kanya, at di dapat natitinag ang pananampalataya natin. Kung gayon ay ang sasabihin ng mga labi ay magpapatotoo sa pinatalas na pang-unawa ng isipan at sa matitinding pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa kaluluwa.— The Review and Herald, December 16, 1890. LBD 307.4