Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Tatawaging mga Anak ng Diyos ang mga Mapagpayapa, 26 Oktubre
Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos. Mateo 5:9. LBD 304.1
Si Cristo “ang Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6), at misyon Niya ang ibalik sa lupa at langit ang kapayapaang sinira ng kasalanan. “Yamang tayo’y pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (Roma 5:1). Sinumang pumapayag na talikuran ang kasalanan, at buksan ang kanyang puso sa pag-ibig ni Cristo, ay nagiging kabahagi ng makalangit na kapayapaang ito. LBD 304.2
Wala nang ibang batayan ng kapayapaan kaysa rito. Ang biyaya ni Cristo na tinanggap sa puso, ay sumusupil sa awayan; sinusugpo nito ang gulo, at pinupuno ng pag-ibig ang kaluluwa. Siyang kasundo ang Diyos at ang kanyang mga kapwa-tao ay hindi puwedeng mapaging-kawawa. Ang inggit ay hindi mapapasakanyang puso; hindi magkakaroon ng puwang doon ang masamang pag-aakala; hindi puwedeng lumitaw ang pagkamuhi. Ang pusong kaayon ng Diyos ay kabahagi ng kapayapaan ng langit, at ikakalat ang mapagpalang impluwensya nito sa lahat ng nakapaligid. Ang espiritu ng kapayapaan ay mahuhulog na parang hamog sa mga pusong napapagod at nababagabag sa kaguluhan ng sanlibutan. LBD 304.3
Ang mga tagasunod ni Cristo ay isinugo sa sanlibutan na may dalang mensahe ng kapayapaan. Sinumang sa pamamagitan ng tahimik at di-namamalayang impluwensya sa banal na pamumuhay ay ipapakita ang pag-ibig ni Cristo; sinumang sa pamamagitan ng salita o gawa ay aakayin ang isa pang tao na talikuran ang kasalanan at ipasakop ang kanyang puso sa Diyos, ay isang tagapayapa. LBD 304.4
At “mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.” Katibayan ang espiritu ng kapayapaan ng kanilang koneksyon sa langit. Ang mabangong amoy ni Cristo ay pumapalibot sa kanila. Ang bango ng buhay, ang kagandahan ng karakter ay naghahayag sa sanlibutan ng katunayan na sila nga ay mga anak ng Diyos. Nakikilala ng mga tao na sila ay mga kasama ni Jesus (Gawa 4:13). “Ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos” (1 Juan 4:7). “Kung ang sinuma’y walang Espiritu ni Cristo, siya’y hindi sa Kanya;” subalit “ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos” (Roma 8:9, 14). “At ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng tao” (Mikas 5:7).— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 47, 48. LBD 304.5