Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Kahahabagan ang mga Mahabagin, 25 Oktubre
Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan. Mateo 5:7. LBD 303.1
Malamig at madilim at walang pagmamahal ang likas ng puso ng tao; kapag ipinakita ng isang tao ang espiritu ng kahabagan at pagpapatawad, hindi sa pamamagitan ng sarili niya ito nagagawa, kundi sa pamamagitan ng impluwensya ng Banal na Espiritung kumikilos sa kanyang puso. “Tayo’y umiibig sapagkat Siya ang unang umibig sa atin” (1 Juan 4:19). LBD 303.2
Ang Diyos mismo ang pinanggagalingan ng lahat ng kahabagan. Ang Kanyang pangalan ay “puspos ng kahabagan at mapagpala” (Exodo 34:6). Hindi Niya tayo pinakikitunguhan ayon sa nararapat sa atin. Hindi Niya itinatanong kung karapat-dapat ba tayo sa Kanyang pag-ibig, kundi ibinubuhos Niya sa atin ang mga kasaganaan ng Kanyang pag-ibig, upang gawin tayong karapat-dapat. Hindi Siya mapaghiganti. Hindi Niya hinahangad na magparusa, kundi ang tumubos. Pati ang kahigpitan na ipinakikita Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga pamamatnubay ay ipinakikita para sa kaligtasan ng mga naliligaw ng landas. Nasasabik Siya nang may matinding hangarin na ibsan ang kasawian ng mga tao. . . . Lahat na kaayon ang puso ng puso ng Walang-hanggang Pag-ibig ay maghahangad na magpabalik, at hindi manghusga. Si Cristo na nananahan sa kaluluwa ay isang bukal na hindi natutuyo. Kung saan Siya nakatahan, ay mayroon ding umaapaw na kabutihan. LBD 303.3
Sa pakiusap ng mga nagkakamali, ng mga tinutukso, ng mga kaawaawang biktima ng kasalatan at kasalanan, hindi nagtatanong ang Cristiano ng, Karapat-dapat ba sila? kundi, Paano ko sila matutulungan? Sa mga pinakakaawa-awa, sa mga pinakamasasama, ay nakikita niya ang mga kaluluwang ikinamatay ni Cristo para iligtas. . . . Ang mga mahabagin ay iyong mga nagpapakita ng awa sa mga mahihirap, sa mga nagdurusa, at sa mga inaapi. . . . LBD 303.4
Siyang nagtalaga ng buhay niya sa Diyos sa paglilingkod sa Kanyang mga anak ay nauugnay sa Kanya na kayang ibigay ang lahat ng kayamanan ng sansinukob anumang oras. Nakatali ang buhay niya sa buhay ng Diyos sa pamamagitan ng ginintuang kadena ng mga di-mababagong pangako. Hindi siya bibiguin ng Panginoon sa oras ng pagdurusa at pangangailangan. “Pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa Kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus” (Filipos 4:19). At sa oras ng huling pangangailangan makasusumpong ng kanlungan ang mga mahabagin sa awa ng mahabaging Tagapagligtas, at tatanggapin sa mga walang-hanggang tahanan (Lucas 16:9).— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 39-41. LBD 303.5