Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Tatanggapin ng mga Inuusig ang Kaharian, 27 Oktubre
Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mateo 5:10. LBD 305.1
Hindi inihaharap ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod ang pag-asang magkamit ng makalupang kaluwalhatian at kayamanan, at ng pagkakaroon ng buhay na walang pagsubok, kundi inilalahad Niya sa kanila ang pribilehiyo ng paglakad kasama ng kanilang Panginoon sa mga landas ng pagtanggi sa sarili at kahihiyan, dahil hindi sila kilala ng sanlibutan. LBD 305.2
Siyang naparito upang tubusin ang nawaglit na sanlibutan, ay kinalaban ng nagkakaisang puwersa ng mga kaaway ng Diyos at ng tao. Sa walangawang sabwatan, humanay laban ang masasamang tao at masasamang anghel sa Prinsipe ng Kapayapaan. Bagaman humihinga ang bawat salita at gawa Niya ng banal na kahabagan, nagbunsod ang kaibahan Niya sa sanlibutan ng pinakamatinding galit. Dahil ayaw Niyang magbigay ng permiso sa pagsasanay ng mga masasamang bugso ng ating likas, napukaw Niya ang pinakamabagsik na pagsalungat at pang-aaway. Gayundin naman sa lahat ng mamumuhay nang maka-Diyos kay Cristo Jesus. Sa pagitan ng katuwiran at kasalanan, pag-ibig at pagkamuhi, katotohanan at kasinungalingan, ay may di-mapipigilang paglalaban. Kapag inilalahad ng isang tao ang pag-ibig ni Cristo at ang kagandahan ng kabanalan, hinihila niya palayo ang mga sakop ng kaharian ni Satanas, at napupukaw ang prinsipe ng kasamaan para labanan ito. Naghihintay ang paguusig at kahihiyan sa lahat ng puspos ng Espiritu ni Cristo. Nagbabago ang katangian ng pang-uusig sa paglipas ng panahon; pero ang prinsipyo—ang espiritung nasa ilalim nito—ay kapareho rin ng pumatay sa mga pinili ng Panginoon simula nang kapanahunan ni Abel. LBD 305.3
Habang sinisikap ng mga tao na maging kaayon ng Diyos, matutuklasan nila na hindi pa rin naaalis ang katitisuran ng krus. Humahanay ang mga kapamahalaan at mga kapangyarihan at masasamang espiritu sa matataas na dako laban sa lahat ng susunod sa kautusan ng langit. Kung kaya’t malayong magdulot ng kalungkutan, dapat maghatid ang pag-uusig ng kagalakan sa mga alagad ni Cristo; sapagkat katibayan ito na sumusunod nga sila sa mga hakbang ng kanilang Panginoon. . . . LBD 305.4
Sa pamamagitan ng mga pagsubok at pag-uusig, ang kaluwalhatian—karakter—ng Diyos ay Nahahayag sa Kanyang mga pinili.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 49-51. LBD 305.5