Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

297/367

Aaliwin ang mga Nahahapis, 22 Oktubre

Mapapalad ang mga nahahapis, sapagka’t sila ay aaliwin. Mateo 5:4. LBD 300.1

Tunay na pagkalungkot ng puso sa kasalanan ang pagkahapis na |ipinakikita rito. . . . Habang naaakay ang isang taong pagmasdan si Jesus na nakataas doon sa krus, nakikita niya ang pagiging makasalanan ng sangkatauhan. Nakikita niyang kasalanan ang bumugbog at nagpako sa krus sa Panginoon ng kaluwalhatian. Nakikita niyang bagaman minahal siya nang may di-maipahayag na kabaitan, naging tuluy-tuloy na tagpo ang kanyang buhay ng kawalang-pasasalamat at paghihimagsik. Tinalikuran niya ang pinakamatalik niyang Kaibigan, at inabuso ang pinakamahalagang regalo ng langit. Ipinako niya nang panibago ang Anak ng Diyos sa kanyang sarili, at tinusok uli ang nagdurugo at sugatan nang puso. Iniwalay siya sa Diyos ng bangin ng kasalanan na malawak at madilim at malalim, at nagdadalamhati siya nang may durog na puso. Ang ganyang pagluluksa “ay aaliwin.” Ipinakikita ng Diyos sa atin ang bigat ng ating pagkakasala para makakanlong tayo kay Cristo, at mapalaya sa pamamagitan Niya sa pang-aalipin ng kasalanan, at magalak sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. Puwede tayong lumapit sa paanan ng krus sa tunay na pagsisisi, at iwanan doon ang ating mga pasanin. . . . LBD 300.2

May mensahe ng kaaliwan ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga nagdaraan din sa kalumbayan o pangungulila. Hindi basta na lang sumisibol sa lupa ng ating mga kalungkutan. Ang Diyos ay “hindi . . . kusang pinahihirapan o sinasaktan man ang mga anak ng mga tao” (Panaghoy 3:33). Kapag pinahintulutan Niya ang mga pagsubok at dalamhati, ito ay “alangalang sa ikabubuti natin, upang tayo ay makabahagi sa Kanyang kabanalan” (Hebreo 12:10). Kapag tinanggap sa pananampalataya, ang pagsubok na parang napakasaklap at napakahirap dalhin ay lalabas na pagpapala. Ang malupit na dagok na sumisira sa mga kaligayahan sa lupa ay siyang magiging paraan ng pagpapabaling ng ating mga mata sa langit. Gaano karami riyan ang hindi sana nakilala si Jesus kung hindi sila inakay ng kalungkutan na humanap ng kaaliwan sa Kanya! . . . LBD 300.3

Gagawa ang Panginoon para sa lahat ng naglalagak ng kanilang tiwala sa Kanya. Mahahalagang tagumpay ang matatamo ng mga tapat. Mahahalagang liksyon ang matututunan. Mahahalagang karanasan ang magkakatotoo. . . . LBD 300.4

Inaangat ni Cristo ang nagsisising puso, at pinipino ang nagdadalamhating kaluluwa, hanggang sa maging tirahan Niya ito.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 22-25. LBD 300.5