Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pagiging Isa kay Cristo, 15 Oktubre
At ang kaluwalhatiang ibinigay Mo sa Akin ay ibinigay Ko sa kanila, upang sila’y maging isa, na gaya naman Natin na iisa. Juan 17:22. LBD 293.1
Sa mga salitang ito ay nasa atin ang pinakanakakukumbinsing pahayag upang patunayan ang katotohanan na ang pagkakaisa, kabaitan, at pagibig ay makikita sa mga Cristiano talaga. Naitataas at naluluwalhati ang Manunubos ng sanlibutan sa karakter ng lahat ng sumasampalataya. . . . Anong laking kahihinatnan para sa sanlibutan ang nakadepende sa pagkakaisa ng mga nagsasabing Cristiano, na nagsasabing naniniwala silang ang Biblia ay siyang Salita ng Diyos.— The Youth’s Instructor, August 2, 1894. LBD 293.2
“Emmanuel, kasama natin ang Diyos.” Ito ay lahat-lahat na sa atin. Anong lawak na pundasyon ang inilalatag nito para sa ating pananampalataya! Anong laking pag-asa sa kawalang-kamatayan ang inihaharap nito sa sumasampalatayang kaluluwa! Sumasaatin ang Diyos kay Cristo Jesus para samahan tayo sa bawat hakbang ng paglalakbay patungong langit! Sumasaatin ang Banal na Espiritu bilang Mang-aaliw, Gabay sa ating mga kalituhan, para ibsan ang ating mga kalungkutan, at panangga sa tukso! “O anong lalim ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) . . . Palaguin ninyo ang pag-ibig, bunutin ang pagsususpetsa, inggit, pagkahili, at ang pag-iisip at pagsasalita ng masama. Maglapit-lapit kayo at gumawa na parang iisang tao. Maging magkakasundo kayo. LBD 293.3
Ipinakikiusap ko sa inyo sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret na alisin ang lahat ng tulad ng espirituwal na pagmamalaki at hilig na maging mataas. Maging tulad kayo sa maliliit na bata, at kung matapos na ang labanan kayo ay magiging mga kaanib ng maharlikang pamilya, mga anak ng Hari sa langit. Paulit-ulit ninyong basahin ang Juan 17. Ang panalanging iyan ng ating Tagapagligtas na inialay sa Kanyang Ama para sa Kanyang mga alagad, ay nararapat na ulit-ulitin nang madalas, at dalhin sa praktikal na buhay. Itataas nito ang nagkasalang tao; sapagkat nangako ang Panginoon na kung pananatilihin natin ang pagkakaisang ito, mamahalin tayo ng Diyos gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang Anak; ang makasalanan ay maliligtas, at maluluwalhati ang Diyos magpasawalang-hanggan. LBD 293.4
Namamangha ang mga anghel at mga arkanghel sa dakilang planong ito ng pagtubos; hinangaan nila at minahal ang Ama at ang Anak habang nakikita nila ang awa at pag-ibig ng Diyos.— Letter 31, 1892. LBD 293.5