Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Nanalangin si Cristo na Maging Isa Tayong Lahat, 14 Oktubre
Upang silang lahat ay maging isa. Gaya Mo, Ama, na nasa Akin at Ako’y sa Iyo, sana sila’y manatili sa Atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na Ako’y sinugo Mo. Juan 17:21. LBD 292.1
Iniwanan tayo ni Cristo ng isang perpekto at walang-kasalanang halimbawa. Dapat lumakad ang Kanyang mga tagasunod sa Kanyang mga yapak. Kung hindi nabago ang kanilang karakter, hindi sila kailan man makatitira kapiling Niya sa Kanyang kaharian. Namatay si Cristo para itaas at parangalin sila, at iyong mga mayroon pa ring namanang mga hilig sa mali ay hindi puwedeng manirahan kasama Niya. Pinagdusahan Niya ang lahat ng posibleng pagdusahan ng laman ng tao at pinagtiisan Niya ito, para makadaan tayo nang matagumpay sa lahat ng mga tuksong maaaring imbentuhin ni Satanas upang wasakin ang ating pananampalataya. LBD 292.2
Nakay Cristo lamang ang tangi nating pag-asa. May mga pang-araw-araw na tagumpay ang Diyos na dapat matamo ng Kanyang bayan. . . . Gumawa ang Panginoon sa Kanyang mga makalangit na regalo ng napakaraming paghahanda para sa Kanyang bayan. Hindi kayang bigyan ng isang magulang dito sa lupa ang kanyang anak ng napabanal na karakter. Hindi niya kayang ilipat ang kanyang karakter sa kanyang anak. Ang Diyos lamang ang kayang bumago sa atin. Hiningahan ni Cristo ang Kanyang mga alagad, at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo” (Juan 20:22). Ito ang malaking regalo ng kalangitan. Ibinahagi ni Cristo sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu ang sarili Niyang pagpapakabanal. Pinuspos Niya sila ng Kanyang kapangyarihan, upang makahikayat sila ng mga kaluluwa sa ebanghelyo. Simula noon si Cristo ay mabubuhay na sa pamamagitan ng kanilang mga kakayahan, at magsasalita sa pamamagitan ng kanilang mga salita. Mapalad silang malamang simula noon magiging isa na Siya at sila. Kailangan nilang pakaingatan ang Kanyang mga prinsipyo at makontrol ng Kanyang Espiritu. Hindi na nila susundin ang sarili nilang paraan at magsasalita ng sarili nilang mga salita. Ang mga salitang sasabihin nila ay dapat magmula sa napabanal na puso, at dapat lumabas sa napabanal na mga labi. Hindi na sila mamumuhay pa ng sarili nilang makasariling buhay; si Cristo na ang dapat mabuhay sa kanila. . . . Ibibigay Niya sa kanila ang kaluwalhatiang tinaglay Niya sa harapan ng Ama, upang Siya at sila ay maging kaisa ng Diyos.— The General Conference Bulletin, October 1, 1899. LBD 292.3
Kailangang makita ng mga kabataan na ang maging kaisa ni Cristo ay siyang pinakamataas na karangalang makakamit nila. . . . Italaga ninyo sa Panginoon ang lahat ng mayroon kayo—kaluluwa, katawan, at espiritu. Ipasakop ninyo ang lahat ng kapangyarihang taglay ninyo sa pagkontrol ng Banal na Espiritu.— The Review and Herald, May 9, 1899. LBD 292.4