Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Ipinakikita Natin si Cristo sa Sanlibutan, 16 Oktubre
Ako’y nasa kanila at Ikaw ay nasa Akin, upang sila’y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na Ikaw ang nagsugo sa Akin at sila’y Iyong minahal kung paanong Ako’y Iyong minahal. Juan 17:23. LBD 294.1
Sa panalangin ng pamamagitan ni Jesus sa Kanyang Ama, sinabi ni Jesus na tinupad Niya ang mga kondisyong pumipilit sa Ama na tuparin ang Kanyang bahagi ng kontratang ginawa sa langit, tungkol sa nagkasalang tao. . . . Sinabi Niyang naluwalhati Siya sa mga sumasampalataya sa Kanya. Ang iglesia, sa Kanyang pangalan, ay dapat dalhin sa maluwalhating kalubusan ang gawaing Kanyang pinasimulan; at kapag ang iglesiang iyan ay matubos na sa wakas sa Paraiso ng Diyos, Kanyang makikita ang bunga ng paghihirap ng Kanyang kaluluwa at Siya ay masisiyahan. Sa buong walang-hanggan ang karamihang tinubos ang magiging pangunahin Niyang kaluwalhatian.—Spirit of Prophecy, vol. 3, pp. 260, 261 LBD 294.2
“At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, ay nababago sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na para bang mula sa Espiritu ng Panginoon” (2 Corinto 3:18). Dapat lagi nating panatilihin ang Panginoon sa harap natin. Lumalakad na kasama ng Diyos ang mga gumagawa nito kagaya ni Enoc, at hindi namamalayan na nagiging kaisa sila ng Ama at ng Anak. Araw-araw, isang pagbabago ang nangyayari sa mga isipan at puso, at ang natural na hilig, ang mga natural na kaparaanan, ay nahuhubog sa mga paraan ng Diyos at ng Espiritu. Nadaragdagan ang kanilang espirituwal na kaalaman, at lumalago sa kapuspusan ng mga lalaki at babae kay Cristo Jesus. Ipinakikita nila sa sanlibutan ang karakter ni Cristo, at habang nananatili sila sa Kanya, at Siya sa kanila, naisasakatuparan nila ang misyon na dahil dito ay tinawagan silang maging mga anak ng Diyos—nagiging liwanag sila ng sanlibutan, isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol na hindi maitatago. “Walang taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya’y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag” (Lucas 8:16). Ang mga nasindihan mula sa itaas ay pinagliliwanag ang maniningning na sinag ng Araw ng Katuwiran.— The Youth’s Instructor, October 25, 1894. LBD 294.3