Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

288/367

Nagbubunga Tayo ng Pag-ibig ng Magkakapatid, 13 Oktubre

Sa pamamagitan nito ay naluluwalhati ang Aking Ama, na kayo ay magbunga ng marami, at maging mga alagad Ko. Juan 15:8. LBD 291.1

Ang pagsasanib ni Cristo at ng Kanyang bayan ay dapat na maging buhay, tunay, at di-nagbabago, na kapareho ng pag-iisang namamagitan sa Ama at sa Anak. Bunga ng paninirahan ng Banal na Espiritu ang pag-iisang ito. Ipapakita sa sanlibutan ng lahat ng tunay na anak ng Diyos ang pakikiisa nila kay Cristo at sa kanilang mga kapatiran. Yaong ang mga pusong tinitirhan ni Cristo ay magbubunga ng pag-ibig ng magkakapatid. Makikita nila na bilang mga kaanib ng pamilya ng Diyos sila ay nakapangakong huhubog, mag-iingat, at magpapanatili ng Cristianong pag-ibig at pagsasamahan, sa diwa, sa mga salita, at sa pagkilos. LBD 291.2

Ang maging mga anak ng Diyos, mga kaanib ng makaharing pamilya, ay mas higit pa ang ibig sabihin kaysa inaakala ng marami. Iyong mga itinuturing ng Diyos na Kanyang mga anak ay ihahayag para sa isa’t isa ang pag-ibig na katulad ng kay Cristo. mamumuhay at gagawa sila para sa iisang layunin—ang tamang pagtatanghal kay Cristo sa sanlibutan. Sa kanilang pag-ibig at pagkakaisa ay ipapakita nila sa sanlibutan na taglay nila ang mga banal na katibayan. Sa pagiging marangal ng pag-ibig at pagtanggi sa sarili, ay ipapakita nila sa mga nakapalibot sa kanila na tunay na mga tagasunod sila ng Tagapagligtas. “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo nga ay Aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” . . . LBD 291.3

Ang pinakamatinding katibayan na maibibigay ng isang tao na naipanganak na siyang muli at isang bagong tao na siya kay Cristo Jesus ay iyong makikita sa kanya ang pagmamahal sa kanyang mga kapatiran, ang paggawa ng mga gawang gaya ng kay Cristo. Ito ang pinakamagandang pagsaksing maibibigay para sa Cristianismo, at hihikayat ito ng mga kaluluwa sa katotohanan. . . . LBD 291.4

Dinadala ni Cristo ang lahat ng tunay na mananampalataya sa ganap na pagiging isa sa Kanya, ang pagiging isa ngang namamagitan sa Kanila ng Kanyang Ama. Ang mga tunay na anak ng Diyos ay nakabuklod sa isa’t isa at sa kanilang Tagapagligtas. Kaisa sila ni Cristo sa Diyos.— The General Conference Bulletin, July 1, 1900. LBD 291.5