Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

287/367

Ipinahahayag Natin si Cristo, 12 Oktubre

Kaya’t ang bawat kumikilala sa Akin sa harapan ng mga tao ay kilalanin Ko rin sa harapan ng Aking Ama na nasa langit. Ngunit sinumang magkaila sa Akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila Ko rin naman sa harapan ng Aking Ama na nasa langit. Mateo 10:32, 33. LBD 290.1

Ipinahahayag ba natin si Cristo sa araw-araw nating buhay? Ipinahahayag ba natin Siya sa ating pananamit, na binibihisan ang ating sarili ng simple at mahinhing kasuotan? Ang gayak ba natin ay iyong mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos? Pinagsisikapan ba nating isulong ang gawain ng Panginoon? . . . Walang silbi ang sabihin sa inyo na dapat ito o iyan ang suotin ninyo, sapagkat kung nasa inyong puso ang hilig sa mga walang-kuwentang bagay na ito, ang inyong pag-alis sa mga palamuti ninyo ay magiging katulad lamang ng pagtatanggal ng mga dahon sa isang puno. Muling igigiit ang kanilang sarili ng mga hilig ng natural na puso. Kailangan ninyong magkaroon ng sarili ninyong konsensya. . . . LBD 290.2

Kailangan nating manatili sa Kanya gaya ng pananatili ng sanga sa puno. . . . Ang gusto natin ay mailagay ang palakol sa ugat ng puno. Gusto nating maging patay sa sanlibutan, patay sa sarili, at buhay sa Diyos. . . . Kailangan nating magpakalapit kay Cristo, para makilala ng mga tao na tayo ay mga kasama ni Cristo at natuto tayo sa Kanya.— The Review and Herald, May 10, 1892. LBD 290.3

Ipapakita Niyang tumutulad kay Cristo ang Kanyang pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo ng sarili. . . . Kung saan mismo binabalaan ng kanyang konsensya ang Cristianong sumasampalataya sa Biblia na magtiis, na pagkaitan ang kanyang sarili, na tumigil na, doon din mismo humahakbang sa guhit ang taong makasanlibutan upang bigyang-layaw ang mga makasarili niyang likas na hilig. Sa isang panig ng guhit ay ang mapagtanggi sa sarili na tagasunod ni Jesu-Cristo, sa kabilang panig ng guhit ay ang mapagpalayaw sa sarili na mahilig sa sanlibutan, pinagbibigyan ang uso, nakikilahok sa kalokohan, at pinamimihasa ang kanyang sarili sa mga bawal na kasiyahan. Sa panig na ito ng guhit ay hindi puwedeng pumunta ang Cristiano. Hindi ito lugar para sa kanya.— The Youth’s Instructor, September 6, 1894. LBD 290.4

Dapat natatagong kasama ni Cristo sa Diyos ang buhay natin, upang kapag nahayag Siya, mahahayag din tayong kasama Niya sa kaluwalhatian.— The Review and Herald, May 10, 1892. LBD 290.5