Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Mga Tuyong Sanga Kung Hiwalay kay Cristo, 11 Oktubre
Kung ang sinuman ay hindi manatili sa Akin, siya’y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog. Juan 15:6. LBD 289.1
Si [Judas] . . . ay hindi nabago, at hindi naging isang buhay na sanga sa pamamagitan ng koneksyon sa Tunay na Puno. Hindi kumabit sa Puno ang tuyong sibol na ito hanggang sa lumaki ito sa pagiging mabunga at buhay na sanga. Ipinakita niyang dugtong siya na hindi nagbunga—dugtong na hindi kumabit at naging kaisa ng Puno, hibla sa hibla at himaymay sa himaymay, at hindi nakibahagi sa buhay nito. LBD 289.2
Ang tuyo at di-nakadugtong na sibol ay puwede lamang maging kaisa ng pinakapuno kapag naging kabahagi ng buhay at sustansya ng buhay na puno, kapag nakadugtong sa puno, kapag nadala sa posibleng pinakamalapit na relasyon. . . . Kumakabit nang maigi ang sanga sa nagbibigay-buhay na puno, hanggang sa ang buhay ng puno ay nagiging buhay na rin ng sanga, at ito ay nagbubunga na kagaya nung sa puno.— The Review and Herald, November 16, 1897. LBD 289.3
“Ako ang puno ng ubas,” sabi ni Cristo; “kayo ang mga sanga.” Inilalarawan dito ang posibleng pinakamalapit na koneksyon. Ihugpong mo ang walang-dahong sanga sa yumayabong na puno, at ito ay magiging buhay na sanga, na kumukuha ng dagta at sustansya sa puno. Hibla sa hibla, himaymay sa himaymay, ang sibol ay kumakapit, hanggang sa ito ay umusbong at mamulaklak at magkabunga. Ang walang-dagtang sanga ay kumakatawan sa makasalanan. Kapag kaisa ni Cristo, ang kaluluwa ay napasasanib sa kaluluwa, ang mahina at may-hangganan sa banal at walang-hangganan, at ang tao ay nagiging kaisa ni Cristo.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 591. LBD 289.4
Ang parang tuyo nang sanga, sa pagiging konektado sa buhay na puno, ay nagiging bahagi nito. . . . Ang kaluluwa, na patay sa mga pagsalangsang at kasalanan, ay dapat makaranas ng gayunding proseso. . . . Kung paanong nakatatanggap ng buhay ang dugtong kapag nakakabit sa puno, gayundin naman nakikibahagi ang makasalanan sa banal na likas kapag konektado kay Cristo. Napasasanib ang may-hangganang tao sa walang-hangganang Diyos. LBD 289.5
Kapag nakasanib nang ganyan, nananatili sa atin ang mga salita ni Cristo, at hindi tayo pinakikilos ng pasumpung-sumpong na pakiramdam, kundi ng buhay at nananatiling prinsipyo.— Testimonies for the Church, vol. 4, pp. 354, 355. LBD 289.6