Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Magbubunga Lamang Tayo Kung Nananatili Tayo kay Cristo, 10 Oktubre
Kayo’y manatili sa Akin, at Ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo’y manatili sa Akin. Juan 15:4. LBD 288.1
Ang dahilan kung bakit pabasta-basta tayong nagpapakasasa sa kasalanan ay sapagkat hindi natin nakikita si Jesus. Hindi natin mamaliitin ang kasalanan kung kinikilala natin ang katotohanan na sinusugatan ng kasalanan ang ating Panginoon. . . . Tutulong sa atin ang tamang pagtaya sa karakter ng Diyos na katawanin Siya nang tama sa sanlibutan. Ang kabagsikan, kagaspangan ng mga salita o kilos, pagsasalita ng masama, at maaanghang na salita ay hindi makikita sa kaluluwang nakatingin kay Jesus. Siyang nananatili kay Cristo ay nasa isang kapaligirang bawal ang kasamaan, at hindi nagbibigay ng pinakabahagyang pangangatwiran sa anumang kagaya nito. Hindi napalulusog mula sa loob natin ang espirituwal na buhay, kundi kumukuha ito ng nutrisyon kay Cristo, kagaya ng sanga sa puno. Umaasa lamang tayo kay Cristo bawat sandali; Siya ang pinagmumulan ng ating suplay. Hindi puwedeng pumalit ang lahat ng panlabas nating seremonya, panalangin, pag-aayuno, at paglilimos sa panloob na gawain ng Espiritu ng Diyos sa puso ng tao.— The Youth’s Instructor, February 10, 1898. LBD 288.2
Kapag lubusang natanggalan ng pagkamakasarili ang isang tao, kapag pinatalsik na sa kaluluwa ang bawat di-tunay na diyos, pinupunan ang kawalang-laman na ito ng pagdaloy ng Espiritu ni Cristo. Ang ganyang tao ay may pananampalatayang lumilinis sa kaluluwa mula sa karumihan. . . LBD 288.3
. Isang siyang sanga ng Tunay na Puno, at nagkakaroon ng masasaganang kumpol ng bunga sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ano ang katangian ng naging bunga?—Ang bunga ng Espiritu ay “pag-ibig,” hindi galit; “kagalakan,” hindi kawalang-kontento at pagdaing; “kapayapaan,” hindi pagkamainitin, pagaalala, at sariling-gawang mga pagsubok. Ito ay “pagtitiis, kabaitan, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili.”— Gospel Workers, pp. 287, 288. LBD 288.4
Hindi dapat humiram ang isang sanga ng sustansya nito sa isa pang sanga. Kailangang manggaling ang buhay sa pinakapuno. Sa personal lamang na pakikiisa kay Cristo, sa pamamagitan lang ng pakikipag-usap sa Kanya arawaraw, oras-oras, tayo magkakaroon ng mga bunga ng Banal na Espiritu. . . . Ang paglago natin sa biyaya, ang kagalakan natin, ang pagiging magagamit natin ay pawang nakasalalay sa pakikiisa natin kay Cristo at sa antas ng pananampalatayang sinasanay natin sa Kanya.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 47, 48. LBD 288.5