Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Pagkakaisa Bilang mga Anak ng Diyos, 6 Oktubre
Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Galacia 3:26. LBD 284.1
Bihira tayong makakita ng dalawang taong magkaparehong-magkapareho. Sa mga tao at gayundin sa mga bagay ng natural na daigdig, may pagkakaiba-iba. LBD 284.2
Ang pagkakaisa sa pagkakaiba-iba ng mga anak ng Diyos—ang kapahayagan ng pag-ibig at pagpapasensya sa kabila ng pagkakaiba-iba ng ugali—ito ang patotoo na isinugo nga ng Diyos ang Kanyang Anak sa sanlibutan para iligtas ang mga makasalanan.— Manuscript 99, 1902. LBD 284.3
Ang pagkakaisang namamagitan kay Cristo at sa Kanyang mga alagad ay hindi sinisira ang pagkatao ng sinuman sa kanila. Sa isipan, sa layunin, sa karakter, iisa sila, pero hindi sa katauhan. Sa pakikibahagi sa Espiritu ng Diyos, umaayon sa kautusan ng Diyos, nagiging kabahagi ang tao ng banal na likas. Dinadala ni Cristo ang Kanyang mga alagad sa buhay na pakikiisa sa Kanyang sarili at sa Ama. Sa pamamagitan ng paggawa ng Espiritu Santo sa isipan ng tao, nagiging puspos ang tao kay Cristo Jesus. Itinatatag ng pakikiisa kay Cristo ang tali ng pagkakaisa sa isa’t isa. Ang pagkakaisang ito ay siyang pinakanakakukumbinsing patunay sa sanlibutan ukol sa kamahalan at kagalingan ni Cristo, at ng kapangyarihan Niyang mag-alis ng kasalanan.— Manuscript 111, 1903. LBD 284.4
Walang binatbat ang mga puwersa ng kadiliman laban sa mga mananampalatayang nagmamahal sa isa’t isa gaya ng pagmamahal ni Cristo sa kanila, na ayaw gumawa ng pagkakalayo ng damdamin at away, na tumatayong sama-sama, na mababait, magagalang, at may malambot na puso, pinakaiingatan ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig at dumadalisay sa kaluluwa. Kailangang nasa atin ang Espiritu ni Cristo, kung wala ay hindi rin tayo sa Kanya (tingnan ang Roma 8:9).—.Manuscript 103, 1902. LBD 284.5
May kalakasan sa pagkakaisa; may kahinaan sa pagkakahati-hati.— Letter 31, 1892. LBD 284.6
Kung mas malapit ang pakikiisa natin kay Cristo, mas malapit din ang ating pakikiisa sa isa’t isa. Ang di-pagkakasundo at kawalan ng malasakit, pagkamakasarili at kayabangan, ay nakikipagpunyaging maghari. Bunga ito ng hating puso, na bukas sa mga ibinubulong ng kaaway ng mga kaluluwa. Tuwang-tuwa si Satanas kapag nakapaghahasik siya ng mga binhi ng pagaaway-away.— Manuscript 146, 1902. LBD 284.7
May buhay sa pagkakaisa, isang kapangyarihang hindi makakamtan sa ibang paraan.— Manuscript 96, 1902. LBD 284.8