Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Si Cristo ang Tunay na Puno ng Ubas, 7 Oktubre
Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang Aking Ama ang tagapag-alaga. Juan 15:1. LBD 285.1
Ang mga gustong sumunod kay Cristo, ay kailangang sumampalataya sa Kanya; dapat nilang buksan ang kanilang puso upang tanggapin Siya bilang namamalaging bisita. Kailangan nilang manatili kay Cristo, kung paanong nananatili ang mga sanga sa buhay na puno ng ubas. May napakahalagang pakikiisang nabubuo sa pagitan ng pinakapuno at ng sanga, at ang bungang lumalabas sa sanga ay siya ring nakikita sa puno. Ganyan gagawa ang Panginoon sa pamamagitan ng instrumentong tao na isinasanib ang kanyang sarili kay Jesu-Cristo. Madarama ng mga may namamalaging pagtitiwala kay Cristo ang nananatiling presensya ng Diyos kagaya ni Enoc. Bakit napakaraming nakadarama ng kawalang-katiyakan, na ang pakiramdam ay mga ulila sila?—Ito ay dahil hindi sila humuhubog ng pananampalataya sa mahalagang katiyakan na ang Panginoong Jesus ay kanilang tagapasan ng kasalanan. Alang-alang sa mga lumabag sa kautusan kung bakit kinuha ni Jesus ang likas ng tao, at naging kagaya natin, upang magkaroon tayo ng walang-hanggang kapayapaan at katiyakan. Mayroon tayong tagapamagitan sa kalangitan, at sinumang tatanggap sa Kanya bilang personal Niyang Tagapagligtas ay hindi babayaang mag-isang pasanin ang sumpa ng sarili niyang mga kasalanan. LBD 285.2
Araw-araw dapat tayong humubog ng pananampalataya, araw-araw dapat nating pagbulay-bulayan Siyang kumuha sa ating kaso, na maawain at tapat na Pinakapunong Pari; “palibhasa’y nagtiis mismo Siya sa pagkatukso [hindi sa iilang bagay lang, kundi sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin], Siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso.” “Sapagkat tayo’y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan” (Hebreo 2:18; 4:15). Kahit ngayon, sa langit, nagdadalamhati Siya sa ating mga paghihirap; at bilang buhay na Tagapagligtas, bilang nagmamalasakit na Tagapamagitan, namamagitan Siya para sa atin. LBD 285.3
Araw-araw dapat tayong magsanay ng pananampalataya; at dapat arawaraw na madagdagan ang pananampalatayang iyan habang ito ay sinasanay, habang nakikita natin na hindi lamang Niya tayo tinubos, kundi minahal tayo, at hinugasan tayo sa ating mga kasalanan ng sarili Niyang dugo, at ginawa tayong mga hari at mga pari sa Kanyang Diyos at Ama.— The Youth’s Instructor, October 18, 1894. LBD 285.4