Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Pagtupad sa mga Utos sa Bawat Detalye Nito, 5 Oktubre
At ang tumutupad ng Kanyang mga utos ay nananatili sa Kanya, at Siya sa kanya. At dito’y nakikilala natin na Siya’y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na Kanyang ibinigay sa atin. 1 Juan 3:24. LBD 283.1
Hinihingi ng Diyos na maging tapat tayo sa pinakamaliliit na detalye ng buhay—na bantayan ang ating mga salita, ang ating espiritu, at ang ating mga kilos. Para magawa ito, kailangan nating magkaroon ng ganap na pagpipigil sa sarili, at hihingin nito sa atin ang tuluy-tuloy at walang-tigil na pagbabantay. . . . LBD 283.2
Kung napigil lamang sana ang sarili, maiiwasan ang mabibigat na pagkakamali sa buhay-tahanan at sa buhay-negosyo. Sa mga kaanib ng maraming pamilya, kalakaran na ang ugali ng pagsasalita ng mga bastos at walang ingat na bagay, at ang ugali ng pagpapasabik, at ng pagsasabi ng masasakit na salita, ay tumitibay nang tumitibay habang ito ay pinagbibigyan, at sa gayon ay maraming di-magagandang salita ang nasasabi na kaayon ng gusto ni Satanas, at hindi kaayon ng kagustuhan ng Diyos. Kung pag-aaralan ng mga nagpapalayaw sa pagsasalita ng marurubdob na salita ang Gabay na Aklat, at sisikaping alamin sa seryosong pag-iisip ang mga ipinagagawa nito, at gagawin nga ang mga ito—kung gagawin nilang praktikal ang mga tagubilin nito—anong laking pagbabago ang mangyayari sa ugali at pakikipag-usap! . . LBD 283.3
Bawat relasyon sa buhay, bawat posisyong may responsibilidad, bawat hilig at ugali, at bawat emosyon ng isipan ay dapat maiayon sa dakilang pamantayan ng katuwiran, ang mga utos ng Diyos, na talagang napakalawak. Kailangan nating magkaroon ng kasimplihan ng puso upang maunawaan natin, at ng kahandaan ng isipan upang maipamuhay natin, ang lahat ng katuruan ng Salita ng Diyos. . . . LBD 283.4
Dapat mahubog ng Banal na Espiritu ang buong isipan. Isasanib ang banal na kapangyarihan sa pagsisikap ng tao, kapag taimtim nating pinagsikapang maging puspos kay Cristo Jesus. Tutulungan ng Panginoon ang bawat isang humahanap sa Kanya nang buo niyang puso. Mapapasakanya ang liwanag ng buhay, at sumisikat ang liwanag na iyan mula sa buhay na mga aral. Kung paanong isinasabog ng liwanag ng araw ang init nito sa buong mundo, gayundin naman isasabog ng maniningning na sikat ng Araw ng Katuwiran ang nagbibigay-kalusugang sinag nito sa puso.— The Youth’s Instructor, September 20, 1894. LBD 283.5