Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

279/367

Sa Paglakad sa Katotohanan, 4 Oktubre

Ako’y labis na nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoong ikaw ay nasa katotohanan, kung paanong lumalakad ka sa katotohanan. 3 Juan 1:3. LBD 282.1

M ay lugar ang Panginoon para sa pinakamahusay na kakayahang ipinagkatiwala Niya sa mga tao. Sa gawain ng pagtatayo ng Kanyang kaharian, puwede nating gamitin ang bawat kakayahang bigay ng Diyos, na kasintapat at kasingsikap din ng ginawa ni Daniel sa Babilonia, nang masumpungang tapat siya sa bawat tungkulin niya sa tao, at tapat sa kanyang Diyos. LBD 282.2

Nananawagan ang Diyos para sa mas higit pang pagkamaparaan at mas matalino pang pamumuno, kaysa naibigay na sa Kanya ng mga instrumento Niyang tao. Kailangan ng matalas at napabanal na pag-iisip, at malinaw na gawain para hadlangan ang mga mahuhusay na plano ni Satanas. May panawagan para sa mas mataas na pamantayang aabutin, isang mas banal, mas disidido, at mas mapagsakripisyo sa sariling pagsisikap na dapat ibigay sa gawain ng Panginoon. LBD 282.3

Kailangang maturuan ang ating mga kabataan na abutin ang mas mataas na pamantayan, na maunawaang ipinapasya na nila ngayon ang sarili nilang walang-hanggang kahahantungan. Walang sanggalang para sa sinuman, maliban na lamang kung nasa puso ang katotohanan kung paanong ito ay nakay Jesus. Dapat itong maitanim ng Banal na Espiritu sa puso. Malaking bahagi ng tinatawag ngayong relihiyon ay maglalaho kapag ito ay sinalakay ng mga kampon ni Satanas. Walang makatatayo kundi ang katotohanan—ang karunungang mula sa itaas, na siyang magpapabanal sa kaluluwa. LBD 282.4

Huwag akalain ng sinuman na relihiyon ang pagpapalayaw sa sarili. Huwag pamihasain ang pagkamakasarili. Matutuhan ng mga kabataan na higpitan ang kanilang mga kagustuhan, at mag-ingat sa labis-labis na paggastos ng pera. Tingnan nating lahat si Jesus, pagbulay-bulayan ang Kanyang karakter, at sumunod sa Kanyang mga hakbang.—The Youth’s Instructor, May 24, 1894. LBD 282.5

Ang katotohanan kapag tinanggap ay kayang lumawak nang lumawak at gumawa ng mga bagong pagsulong. Lalo itong magniningning habang minamasdan natin ito, at lalago sa taas at lalim habang hinahangad nating makamtan ito. Sa gayon ay itataas tayo nito sa pamantayan ng kasakdalan, at bibigyan tayo ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos bilang kalakasan natin para sa gawaing nasa harapan natin.— Manuscript 153, 1898. LBD 282.6

Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng banal na katotohanan, mapararami ang sakdal na larawan ng Diyos.— Testimonies for the Church, vol. 6, p. 167. LBD 282.7