Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

277/367

Sa Pananatili kay Cristo, ang Bukal ng Kapangyarihan, 2 Oktubre

Sapagkat sa Kanya’y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagkaDiyos sa katawan, at kayo’y napuspos sa Kanya, na Siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan. Colosas 2:9, 10. LBD 280.1

Kumikilos ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo; sapagkat ito ang Kanyang kinatawan. Sa pamamagitan nito nagbibigay Siya ng espirituwal na buhay sa kaluluwa, binubuhay ang mga kakayahan nito para sa kabutihan, nililinis ito sa moral na karumihan, at binibigyan ito ng kaangkupan para sa Kanyang kaharian. Si Jesus ay may malalaking pagpapalang ipagkakaloob, masasaganang regalong ipamamahagi sa mga tao. Siya ang kamangha-manghang Tagapayo, walang-hanggan sa karunungan at kalakasan; at kung kikilalanin natin ang kapangyarihan ng Kanyang Espiritu, at magpapasakop upang mahubog nito, tatayo tayong puspos sa Kanya. Anong gandang kaisipan nito! Kay Cristo “naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan, at kayo’y napuspos sa Kanya.” LBD 280.2

Hindi mararanasan ng puso ng tao ang kaligayahan hanggang sa magpasakop ito upang mahubog ng Espiritu ng Diyos. Iniaayon ng Espiritu ang napanibagong kaluluwa sa modelo, si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu, nababago ang pakikipag-alitan sa Diyos sa pananampalataya at pag-ibig, at sa kapakumbabaan ang pagmamataas. Dama ng kaluluwa ang kagandahan ng katotohanan, at napararangalan si Cristo sa kahusayan at kasakdalan ng karakter. Habang nangyayari ang mga pagbabagong ito, biglang sisimulan ng mga anghel ang napakasayang awitin, at nagagalak ang Diyos at si Cristo sa mga kaluluwang ito na hinubog sa larawan ng Diyos.— The Review and Herald, February 10, 1903. LBD 280.3

Si Jehovah Emmanuel—Siya “na sa Kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman,” na sa Kanya ay naninirahan “ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan” (Colosas 2:3, 9)—ang madala sa pakikiisang-damdamin sa Kanya, ang makilala Siya, ang taglayin Siya, habang ang puso ay pabukas nang pabukas upang tanggapin ang Kanyang mga katangian; upang makilala ang pag-ibig Niya at kapangyarihan, upang ariin ang di-masukat na mga kayamanan ni Cristo, upang lalo pang maunawaan “ang luwang, haba, taas, at lalim; at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit pa sa kaalaman upang kayo ay mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos,” (Efeso 3:18, 19)—“ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, at ang pagiging matuwid nila ay mula sa Akin, sabi ng Panginoon” (Isaias 54:17).— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 57. LBD 280.4