Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Oktubre—Tayo Ay Nananatili kay Cristo
Sa Pagtanggap kay Cristo, ang Bukal ng Buhay,1 Oktubre
Nasa Kanya ang buhay at ang buhay ay siyang Ilaw ng mga tao. Juan 1:4. LBD 279.1
Ginawa na ng Panginoon ang bawat paglalaan upang magkaroon tayo ng makabuluhan, masagana, at maligayang karanasan. Sumulat si Juan tungkol kay Cristo, na sinasabing, “Nasa Kanya ang buhay at ang buhay ay siyang Ilaw ng mga tao” (Juan 1:4). Iniuugnay ang buhay sa ilaw, at kung wala tayong liwanag mula sa Araw ng Katuwiran, hindi tayo magkakaroon ng buhay sa Kanya. Subalit nailaan ang liwanag na ito para sa bawat kaluluwa, at sumasapit lamang sa atin ang kadiliman kung aalis tayo sa liwanag. Ang sabi ni Jesus, “Ang sumusunod sa Akin ay hindi kailan man lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). Sa mundo sa palibot natin, hindi magkakaroon ng buhay kung walang liwanag. Kung babawiin ng araw ang kanyang pagsikat, magwawakas ang lahat ng halaman at lahat ng hayop. Inilalarawan nito ang katotohanan na hindi tayo magkakaroon ng espirituwal na buhay malibang ilagay natin ang ating sarili sa ilalim ng mga sinag ng Araw ng Katuwiran. Kapag inilagay natin ang isang halamang namumulaklak sa isang madilim na silid, ito ay matutuyo na at mamamatay maya-maya; kaya baka mayroon din tayong espirituwal na buhay, gayunman ay maaaring mawala ito dahil sa ating pananatili sa isang atmospera ng pag-aalinlangan at kalungkutan. . . . LBD 279.2
Tinatawagan tayo, kagaya kay Juan, hindi para pumalit kay Cristo, kundi para sumaksi sa liwanag, para ituro ang isipan ng iba sa Kanya. . . . Walang sinumang gustong sumaksi kay Cristo ang dapat gawing litaw ang kanyang sarili, at sikaping makuha ang atensyon ng mga tao sa kanyang sarili; kundi pagsikapan niyang maitaas si Jesus.— The Youth’s Instructor, May 25, 1893. LBD 279.3
Walang liwanag sa sarili nito ang sangkatauhan. Kung hiwalay kay Cristo, kagaya tayo ng walang-sinding kandila, kagaya ng buwan kapag nakatalikod ito sa araw; wala tayong ni isang silahis ng kaningningan na itatanglaw sa kadiliman ng sanlibutan. Subalit kapag humarap tayo sa Araw ng Katuwiran, kapag nakiugnay tayo kay Cristo, magliliwanag ang buong kaluluwa sa kaningningan ng banal na presensya.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 64. LBD 279.4