Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

275/367

Kapag Naipangaral sa Lahat ang Ebanghelyo, 30 Setyembre

At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas. Mateo 24:14. LBD 278.1

Kung paanong sinugo Ako ng Ama ay sinusugo Ko rin naman kayo.” Dapat nating dalhin ang patotoo sa katotohanan na kasing tiyak ng kay Jesus, tulad ng ginawa ni Cristo at ng Kanyang mga apostol. Nagtitiwala sa kahusayan ng Banal na Espiritu, dapat tayong magpatotoo sa awa, kabutihan, at pag-ibig ng isang ipinako sa krus at nabuhay na Tagapagligtas, at sa gayon ay maging mga ahente na magpapalayas ng kadiliman sa maraming isip, at magdulot upang umakyat sa Diyos ang pasasalamat at papuri mula sa maraming mga puso. Mayroong isang malaking gawaing dapat ga-win ng bawat anak ng Diyos.— The Review and Herald, June 25, 1895. LBD 278.2

Ang mga di-tatanggap ng huling solemneng mensahe ng babalang ipinadala sa ating mundo, ay babaluktutin ang mga Kasulatan; sasalakayin nila ang karakter, at gagawa ng mga maling pahayag tungkol sa pananampalataya at mga doktrina ng mga tagapagtaguyod ng katotohanan ng Biblia. Gagamitin ang bawat posibleng paraan upang ilipat ang pansin. Ang mga palabas, laro, pangangabayo, at iba’t iba pang mga uri ng libangan ay itatakda sa paggawa. Isang matinding kapangyarihan mula sa ilalim ang pupukaw sa kanila upang salungatin ang mensahe mula sa langit. . . . Magtulungan tayo sa ilalim ng bandila ni Prinsipe Immanuel, at sa pangalan at lakas ni Jesus ay isulong ang laban papunta sa tahanan. LBD 278.3

May mga kaluluwang namamatay. Dapat nilang alamin ang mga tuntunin ng kaligtasan. . . . Marami ang lumilitaw na inililibing sa kadiliman ng kamangmangan, pinatatag sa likuran ng isang hindi natatalong hadlang, . . . ngunit tandaang ang mga makalangit na intelihensya ay gumagawa kasama ng mga kinatawan ng tao. Kayang lagusan ng Banal na Espiritu ang kuta ng kawalang pananampalataya. Pinangungunahan ni Jesus ang Kanyang hukbo sa lugar ng labanan. . . . Ang Ating Heneral ay naghahatid sa tagumpay.— The Review and Herald, July 2, 1895. LBD 278.4

Kapag ginagawa ng mga miyembro ng iglesia ng Diyos ang itinalagang gawain nila sa mga nangangailangan sa sariling bayan at sa ibang bansa, bilang katuparan ng komisyon ng ebanghelyo, malapit nang mababalaan ang buong mundo, at babalik ang Panginoong Jesus sa mundong ito na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.— The Acts of the Apostles, p. 111. LBD 278.5

Gagawin ng Diyos ang gawain kung bibigyan natin Siya ng mga instrumento.— Testimonies for the Church, vol. 9, p. 107. LBD 278.6