Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Mahusay na Tinapos ang Gawaing Bahay, 4 Setyembre
Anuman inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao. Colosas 3:23. LBD 252.1
Binigyan kayo ng Diyos ng buhay at lahat ng masaganang mga pagpapalang nagpapasaya dito, at bilang kapalit ay may pagaangkin Siya sa inyo para sa paglilingkod, pasasalamat, pag-ibig, at pagsunod sa Kanyang kautusan. . . . Hinihilingan kayo Niyang kontrolin ang pagnanasa, pigilan ang makasariling mga saloobin at kilos, at huwag magsalita ng mayayamuting mga salita. Hihilingin ba ni Jesus ang pagpipigil sa sarili, kung hindi ito para sa inyong tunay na kaligayahan? Hindi; Nais Niyang linangin ninyo ang gayong mga ugali ng karakter na magbibigay ng kapayapaan sa sarili ninyong puso, at magpapaliwanag sa iba pang mga puso at buhay na may liwanag ng araw ng pag-ibig, kagalakan, at masayang kapanatagan. LBD 252.2
Kung tunay kayong nagbalik-loob, kung anak kayo ni Jesus, igagalang ninyo ang inyong mga magulang; hindi lamang ninyo gagawin ang sinasabi nila sa inyo, ngunit mag-aantay ng mga pagkakataon upang matulungan sila. Sa paggawa nito ay gumagawa kayo para kay Jesus. Itinuturing Niya ang lahat ng mga pangangalagang ito, maalalahaning mga gawa na ginawa sa Kanya. Ito ang pinakamahalagang uri ng gawaing misyonero; at ang mga tapat sa mga maliliit na araw-araw na tungkuling ito ay nagtatamo ng isang mahalagang karanasan. . . . Sa paggamit ng inyong oras sa ilang kapaki-pakinabang na gawain, magsasara kayo ng isang pinto laban sa mga tukso ni Satanas. Alalahaning nabuhay si Jesus hindi upang paluguran ang Kanyang Sarili, at dapat kayong maging gaya Niya. Gawing isang prinsipyo ng relihiyon ang bagay na ito, at hilingin kay Jesus na tulungan kayo. Sa paggamit ng inyong isip sa direksyon na ito, mahahanda kayong maging mga tagapagdala ng pasanin para sa gawain ng Diyos, gaya ng pagiging tagapangalaga ninyo sa tahanan. Magkakaroon kayo ng isang mabuting impluwensya sa iba, at maaaring mahikayat sila sa paglilingkod kay Cristo. . . . LBD 252.3
Kapag naging desidido kayong gumawa ng isang bagay na itinatakda ng inyong puso, hindi kayo susuko sa mga paghihirap, kundi paulit-ulit itong susubukan. Ilagay ang parehong lakas at determinasyon upang magtagumpay sa paglilingkod kay Cristo, at hindi kayo mabibigo sa isang gantimpala.— The Youth’s Instructor, January 30, 1884. LBD 252.4