Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pinagpala si Daniel Dahil Pinili Niya ang Pinakamabuti, 16 Hunyo
Sa katapusan ng sampung araw ay nakitang higit na mabuti ang kanilang anyo at higit na mataba kaysa lahat ng mga kabataang nagsikain ng pagkain ng hari. Daniel 1:15. LBD 172.1
Dapat tumayo ang mga kabataan sa posisyon kung saan maaaring maging ganap na sa Panginoon ang kanilang mga puso; kung saan pinararangalan nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang lakas. Pagkatapos ay pararangalan sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaalaman at karunungan. Ganito ang ginawa kay Daniel sa mga bulwagan ng Babilonia, na naging tapat sa prinsipyo sa kalagitnaan ng mga katiwalian ng mga pagano. “Ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom.”— The Youth’s Instructor, October 25, 1894. LBD 172.2
Di-alam ni Daniel at ng kanyang mga kasama kung ano ang magiging bunga ng kanilang desisyon; ang alam lang nila ay katumbas nito ang kanilang buhay; ngunit determinado silang panatilihin ang tuwid na landas ng mahigpit na pagpipigil kahit na sa mga bulwagan ng mahalay na Babilonia.— The Youth’s Instructor, August 18, 1898. LBD 172.3
Sa pamamagitan ng halimbawa ni Daniel at ng kanyang mga kasama sa Babilonia, nakita nating imposibleng maabot ang pamantayan na gusto ng Panginoon na maabot ng Kanyang mga anak, at isagawa ang isang madali at matulunging uri ng relihiyong walang prinsipyo, at kinokontrol ng mga pangyayari. Hindi maaaring makisali sa makamundong kasayahan, kumain ng nagpapalakas na kalayawan, o uminom ng matatapang na inumin ang mga kabataang maglilingkod sa Diyos ng langit dahil inihaharap ito sa kanila ng mga marangal o mayamang tao sa mundo, na sila ay natatakot na makainsulto sa pagtanggi ng kanilang mga pabor. Maaaring isipin nilang tanging pinarangalan sila, at na humihingi ang kagandahang-loob ng pagtanggap ng mga pabor na inihahandog sa kanila; ngunit dapat na manguna ang katapatan sa Diyos, at ang takot na saktan ang damdamin ng Panginoon ng langit ang dapat na manaig sa Cristiano. Naisip ng hari ng Babilonia na nagbibigay siya ng dakilang pabor kay Daniel at sa kanyang mga kasama; ngunit nasa kanila ang paggalang sa mga utos ng Diyos nang higit kaysa pabor ng hari. . . . Pinarangalan ng Diyos si Daniel, at Kanyang pararangalan ang bawat kabataang pinipili ang daang pinili ni Daniel sa paggalang sa Diyos.— The Youth’s Instructor, October 25, 1894. LBD 172.4