Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Panghihikayat ng Kaluluwa, 23 Mayo
Sinabi niya sa kanila, Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng tao. Mateo 4:19. LBD 148.1
Umaasa si Jesus nang marami sa mga kabataang sundalo ng Kanyang hukbo, at maging kapasyahan ninyong hindi ninyo biguin ang inyong Kapitan at Pinuno. Dapat ninyong isuot ang Kanyang kasuotang pandigma, upang kumilos sa ilalim ng Kanyang bandila, at maging mga kamanggagawa Niya sa pagsakop ng Kanyang mga kaaway at pagpapalawak ng Kanyang kaharian. . . . Hindi ninyo maaaring ipagkanulo ang banal na pagtitiwala na hindi ninyo isinasapanganib ang inyong kaluluwa. Dapat kayong matagpuang tapat at totoo, masunurin sa bawat utos, na nagpapakita sa iba ng pinakamataas na motibo sa pagkilos, at ipakita sa kanila ang mga kahali-halina sa paglilingkod kay Cristo. Ipakita ninyo ang mga papuri sa Kanya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa Kanyang kagila-gilalas na liwanag.— The Youth’s Instructor, October 13, 1892. LBD 148.2
Hindi maaaring maging mga tamad sa ubasan ng Panginoon ang mga nakaranas ng pag-ibig ni Cristo. Makikita nila ang mga pagkakataon para matulungan ang iba sa kanilang mga paghakbang patungo kay Cristo. Habang kabahagi sa pagmamahal ni Cristo, magtatrabaho sila para sa mga kaluluwa ng iba. Kopyahin ng bawat kaluluwa ang Huwaran, at maging mga misyonero sa pinakamataas na kahulugan, na humihikayat ng mga kaluluwa para kay Jesus.— The Youth’s Instructor, October 20, 1892. LBD 148.3
Dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin, at kung ano ang Kanyang pinagdusahan para sa mga makasalanan, kailangan nating, dahil sa dalisay, at walang pag-iimbot na pag-ibig para sa mga kaluluwa, tularan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng ating sariling kasiyahan at kaginhawaan para sa kanilang kabutihan. Ang kagalakang itinakda sa harapan ni Cristo, na tumulong sa Kanya sa lahat ng Kanyang pagdurusa, ay ang kaligtasan ng mga kawawang makasalanan. Ito ang dapat nating maging kagalakan, at ang pampasigla ng ating ambisyon para sa layunin ng ating Panginoon. Sa paggawa nito, pinasasaya natin ang Diyos, at ipinakikita ang ating pag-ibig at debosyon sa Kanya bilang mga tagapaglingkod Niya. Siya ang unang umibig sa atin, at hindi ipinagkait sa atin ang Kanyang sariling Anak, kundi ibinigay Niya mula sa Kanyang sinapupunan upang mamatay at tayo ay mabuhay. Nagpapakita ng pag-ibig sa Diyos ang pag-ibig, tunay na pag-ibig, para sa ating mga kapwa tao.— The General Conference Bulletin, March 20, 1891. LBD 148.4
Maipapakita ito sa kanilang mga kilos ng mga mahalagang nakaugnay kay Cristo. . . . Makahihikayat sila ng mga kaluluwa para kay Cristo, at magdadala ng mga trigo sa kamalig sa langit.— The Youth’s Instructor, December 15, 1892. LBD 148.5