Pauwi Na Sa Langit

12/364

Lumilikhang Kapangyarihan, Enero 11

Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit; at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng Kanyang bibig. Awit 33:6. PnL

Ang malikhaing kapangyarihan na tumawag sa mga mundo upang umiral ay nasa salita ng Diyos. Ang salitang ito’y nagbibigay ng kapangyarihan; ito’y lumilikha ng buhay. Bawat utos ay isang pangako; na tinanggap sa pamamagitan ng kalooban, na tinanggap sa kaluluwa, dala-dala nito ang buhay ng Isang Walang Katapusan. Binabago nito ang likas at muling nililikha ang kaluluwa ayon sa larawan ng Diyos. PnL

Kaya ang buhay na ipinagkaloob ay itinaguyod sa gayunding paraan. “Kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4) ang tao ay mabubuhay. PnL

Ang isipan, ang kaluluwa, ay natatag ayon sa kung ano ang ipinapasok dito, at nasa sa atin ang pagpapasya kung ano ang ipapasok dito. Nasa kapangyarihan ng bawat isa ang pagpili ng mga paksang ookupa sa mga isipan at huhubog ng karakter. Sa bawat taong nagkaroon ng pribilehiyong basahin ang Kasulatan, sinabi ng Diyos, “Kahit isulat Ko para sa kanya ang aking kautusan” “Tumawag ka sa Akin, at Ako’y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman.” (Hosea 8:12; Jeremias 33:3.) . . . PnL

Ang salita ng Diyos, gaya ng karakter ng May-akda nito, ay nagpapakita ng mga misteryong hindi kailanman lubos na mauunawaan ng mga taong may katapusan. Ngunit nagbigay ang Diyos sa mga Kasulatan ng sapat na ebidensya ng kanilang banal na awtoridad. Ang Kanyang sariling pag-iral, ang Kanyang karakter, ang pagiging totoo ng Kanyang salita, ay itinatag sa pamamagitan ng patotoong umaakit sa ating kaisipan; at ang patotoong ito’y sagana. Totoo, hindi Niya inalis ang posibilidad ng pagdududa; ang pananampalataya ay dapat nakaatang sa ebidensya, hindi sa pagpapakita; ang mga nagnanais na magduda ay may pagkakataon; ngunit ang mga nagnanais na makaalam ng katotohanan ay nakasusumpong ng sapat na dahilan para sa pananampalataya. PnL

Wala tayong dahilan para pagdudahan sa salita ng Diyos dahil sa hindi natin pagkaunawa sa mga misteryo ng Kanyang paglalaan. Sa natural na mundo tayo’y patuloy na napaliligiran ng mga kahanga-hangang [bagay] na hindi natin maunawaan. Dapat ba tayong magulat kung makasusumpong din tayo sa espirituwal na mundo ng mga misteryong hindi natin kayang arukin? Ang kahirapan ay nakasalalay lang sa kahinaan at kakitiran ng isipan ng tao. PnL

Ang mga misteryo sa Biblia, na napakalayo sa pagiging argumento laban dito, ay kasama sa mga pinakamalalakas na ebidensya ng pagiging banal na kinasihan nito.— Education, pp. 126, 127, 169, 170. PnL

Pagkamatay Ng Makalupang Likas, Enero 12 PnL

Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian, na ang Iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay. Awit 119:50. PnL

Ang buhay ni Cristo na nagbibigay ng buhay sa mundo ay nasa Kanyang salita. Sa pamamagitan ng Kanyang salita, nagpagaling si Jesus ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo; sa pamamagitan ng Kanyang salita ay pinayapa Niya ang dagat, at binuhay ang patay; at ang mga tao ang nagdala ng patunay na ang Kanyang salita ay may kapangyarihan. Nagsalita Siya tungkol sa salita ng Diyos, kung paano Siya nagsalita sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta at mga guro ng Lumang Tipan. Ang buong Biblia ay pagpapahayag kay Cristo, at gustong ayusin ng Tagapagligtas ang pananampalataya ng Kanyang mga tagasunod sa salita. Kapag ang Kanyang presensyang nakikita ay dapat alisin, salita ang dapat nilang pagkunan ng kapangyarihan. Gaya ng kanilang Panginoon, dapat silang mamuhay “sa pamamagitan ng bawat salita na nanggagaling sa bibig ng Diyos.” (Mateo 4:4.) . . . PnL

Kaya sa pagtanggap at pag-unawa ng pananampalataya sa mga prinsipyo ng katotohanan, nagiging parte ang mga ito ng katauhan at ng kapangyarihang nagpapakilos ng buhay. Ang salita ng Diyos, tinanggap ng kaluluwa, ay humuhubog sa mga isipan, at nagpapalago ng karakter. PnL

Sa pamamagitan ng palaging pagtingin kay Jesus na may matang nananampalataya, tayo’y mapalalakas. Gagawa ang Diyos ng pinakamahalagang paghahayag sa nagugutom at nauuhaw Niyang bayan. Masusumpungan nilang si Cristo ay isang personal na Tagapagligtas. Sa kanilang pag-aaral ng Kanyang salita, nalalaman nilang ito’y espiritu at buhay. Winawasak ng salita ang natural, makalupang likas, at nagbibigay ng isang bagong buhay kay Cristo Jesus. Dumarating ang Banal na Espiritu sa kaluluwa bilang Mang-aaliw. Sa pamamagitan ng nakapagbabagong ahensya ng Kanyang biyaya, muling naibabalik ang larawan ng Diyos sa mga alagad; sila’y nagiging bagong mga nilalang. Napapalitan ng pag-ibig ang pagkasuklam, natatanggap ng puso ang banal na kawangis. Ito ang ibig sabihin ng mamuhay “sa pamamagitan ng bawat salita na lumalabas mula sa bibig ng Diyos.” Ito ang pagkain ng Tinapay na bumabang mula sa langit. PnL

Nagsalita si Jesus ng isang banal at walang hanggang katotohanan patungkol sa relasyon sa pagitan Niya at ng Kanyang mga tagasunod. Alam Niya ang karakter ng mga nag-aangking sila’y Kanyang mga alagad, at sinubok ng Kanyang mga salita ang kanilang pananampalataya. Ipinahayag Niyang dapat nilang paniwalaan at isagawa ang Kanyang turo. Ang lahat ng tumanggap sa Kanya ay magiging bahagi ng Kanyang kalikasan at maiaayon sa Kanyang karakter. Kasama rito ang pag-iwan sa kanilang mga pinakamamahal na ambisyon. Hinihiling nito ang lubos nilang pagpapasakop kay Jesus. Sila’y tinawagan upang magsakripisyo, maging maamo, at mapagpakumbaba sa puso. Kailangan nilang maglakbay sa makitid na lansangan na nilakbay ng Lalaki ng Kalbaryo, kung hahangarin nilang maging bahagi ng kaloob na buhay at ng kaluwalhatian ng bayan.— The Desire of Ages , pp. 390, 391. PnL