Pauwi Na Sa Langit
Walang Karibal, Enero 10
Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo, ang mga iyon ang aking tagapayo. Awit 119:24. PnL
Walang iba pang pag-aaral ang magpaparangal sa bawat isipan, damdamin, at hangarin na tulad sa pag-aaral ng mga Kasulatan. Ang Banal na Salita ay ang kalooban ng Diyos na inihayag sa sangkatauhan. Dito maaari nating matutuhan kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos sa mga taong hinubog ayon sa Kanyang larawan. Natutuhan natin dito kung paano paunlarin ang kasalukuyang buhay at kung paano tiyakin ang buhay sa hinaharap. Walang ibang aklat na makatutugon sa mga tinatanong ng isipan at sa mga pagnanasa ng puso. Sa pamamagitan ng pagkakamit ng kaalaman sa salita ng Diyos, at sa pagsunod dito, maaari tayong umahon mula sa pinakamababang kalaliman ng kawalang kaalaman at kapahamakan upang maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos, mga kasama ng mga walang-salang anghel. PnL
Ang malinaw na pagkaunawa kung ano ang Diyos, at ano ang hinihiling Niyang maging tayo, ay magbibigay sa atin ng mapagkumbabang pananaw sa sarili. Matututuhan ng mga taong nag-aaral nang tama sa Banal na Salita na ang karunungan ng tao ay hindi makapangyarihan; na, kung wala ang tulong na tanging Diyos lang ang nakapagbibigay, ang lakas at katalinuhan ng tao ay pawang kahinaan at kamangmangan. PnL
Bilang isang kapangyarihang nagtuturo, ang Biblia ay walang karibal. Walang makapagbibigay ng lakas sa lahat ng bahagi ng kaisipan na humihiling sa mga estudyante na alamin ang mga kamangha-manghang katotohanan ng paghahayag. Dahan-dahang iniaangkop ng isipan ang sarili nito sa mga paksa na kung saan pinahihintulutan itong manahan. Kung okupado ng mga karaniwang bagay lang, na hindi isinasama ang maringal at mataas na mga tema, ito’y mababansot at mapahihina. Kung hindi kailanman inaasahang makipagpunyagi sa mga mahihirap na problema, o mabanat upang maunawaan ang mahahalagang katotohanan, ito, matapos ang ilang panahon, ay halos mawawalan ng kapangyarihang lumago. PnL
Ang Biblia ang pinakamalawak at pinakanakapagtuturong kasaysayan na inaangkin ng sangkatauhan. Ito’y mula sa bukal ng walang hanggang katotohanan, at kamay ng Diyos ang nag-ingat ng kadalisayan nito sa lahat ng panahon. Ang maningning na silahis nito’y lumiliwanag sa matagal nang nakalipas na panahon, kung saan hindi nakapapasok ang pagsasaliksik ng tao. Sa salita lang ng Diyos tayo makasusumpong ng tunay na ulat ng paglalang. Dito natin minamasdan ang kapangyarihang naglatag ng pundasyon ng daigdig at naglatag ng mga langit. Dito lang natin masusumpungan ang isang kasaysayan ng ating lahi, na walang bahid ng pagtatangi o kapalaluan ng tao. PnL
Sa salita ng Diyos, nakasusumpong ang isipan ng paksa para sa pinakamalalim na kaisipan at pinakamataas na adhikain. Dito maaari tayong makipag-ugnayan sa mga patriyarka at propeta, at makinig sa tinig ng Walang Hanggan sa kanyang pagsasalita sa mga mortal. Dito natin mamamasdan ang Kamahalan ng langit.— Testimonies For The Church, vol. 5, pp. 24, 25. PnL