Pauwi Na Sa Langit

129/364

Hindi Mo Mapapagod Ang Diyos, Mayo 9

Pakinggan mo O Panginoon, ang aking dalangin! Awit 143:1. PnL

Hayaang mailapit at maitaas ang kaluluwa, upang mapagkalooban tayo ng Diyos ng hininga ng makalangit na kapaligiran. Maaari tayong manatiling napakalapit sa Diyos upang sa bawat di-inaasahang pagsubok ay maibabaling sa Kanya ang ating isipan na kasing natural kung paano humaharap ang bulaklak sa araw. PnL

Panatilihin ang iyong mga kagustuhan, mga kagalakan, mga kalungkutan, mga alalahanin, at mga takot sa harap ng Diyos. Hindi Siya mabibigatan sa iyo, hindi Siya mapapagod sa iyo; Siyang nakakabilang sa mga buhok ng iyong ulo ay di-manhid sa mga ninanais ng Kanyang mga anak. “Ang Panginoon ay puno ng pagkahabag at pagkamaawain.” (Santiago 5:11.) Ang Kanyang puso ng pag-ibig ay naaantig ng ating mga pagdadalamhati at kahit na ang mga pagsasabi natin ng mga ito. Dalhin sa Kanya ang lahat ng mga gumugulo sa isipan. Walang bagay na napakalaki na hindi Niya kayang pasanin, sapagkat Siya ang humahawak ng mga sanlibutan, Siya ang nangangasiwa sa lahat ng kaganapan ng sansinukob. Walang bagay na patungkol sa ating kapayapaan ang napakaliit sa Kanya para hindi Niya mapansin. Walang kabanata sa ating karanasan ang napakadilim para hindi Niya mabasa; walang kaguluhang napakahirap na hindi Niya malulutas. Walang kalamidad ang daranasin ng pinakamaliit Niyang mga anak, walang ligalig ang manggugulo sa kaluluwa, walang kagalakan ang magbubunyi, walang taimtim na panalangin na di-sinasadyang lumalabas sa labi, ang di-namamasdan ng Ama sa langit, o kung saan hindi Siya agad na nagmamalasakit. “Kanyang pinagagaling ang mga pusong wasak, at tinatalian ang kanilang mga sugat.” (Awit 147:3.) Ang mga relasyon sa pagitan ng Diyos at ng bawat kaluluwa ay natatangi at lubos na parang wala nang iba pang kaluluwa sa lupa na nakikibahagi sa Kanyang pangangalaga, na wala ng ibang kaluluwa na Kanyang pinagbigyan ng bugtong na Anak. PnL

Sinabi ni Jesus, “Hihingi kayo sa Aking pangalan, at hindi Ko sinasabi sa inyo na Ako’y hihingi sa Ama para sa inyo. Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo.” “Kayo’y pinili Ko: . . . upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa Aking pangalan ay ibigay niya sa inyo.” (Juan 16:26, 27; 15:16.) Ngunit ang manalangin sa pangalan ni Jesus ay isang bagay na higit pa sa pagbanggit ng pangalang iyon sa simula, at pagtatapos ng panalangin. Ito’y pananalangin sa isipan at espiritu ni Jesus, habang tayo’y nanalig sa Kanyang mga pangako, umasa sa Kanyang biyaya, at gawin ang Kanyang mga gawain. PnL

Hindi ibig sabihin ng Diyos sa sinuman sa atin ay maging mga ermitanyo o monghe at iwan ang mundo para italaga ang ating mga sarili sa mga gawain ng pagsamba. Ang buhay ay dapat maging gaya ng buhay ni Cristo—na nasa pagitan ng bundok at ng mga tao. Ang mga taong walang ginagawa kundi manalangin di-magtatagal ay titigil na manalangin, o ang kanilang mga panalangin ay magiging pormal na gawain.— Steps To Christ, pp. 99-101. PnL