Pauwi Na Sa Langit

128/364

Manalanging Gaya Ni Jacob, Mayo 8

Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo. Genesis 32:26. PnL

Ang panahon ng pagkabalisa at pagdurusa sa harap natin ay nangangailangan ng isang pananampalataya na kayang tumiis ng kapaguran, pagkaantala, at pagkagutom—isang pananampalatayang hindi manghihina kahit na malubhang masubok. Ang panahong palugit ay ipinagkaloob sa lahat upang maghanda para sa oras na iyon. Si Jacob ay nagtagumpay dahil siya’y naging matiyaga at disidido. Ang kanyang tagumpay ay isang katibayan ng kapangyarihan ng masigasig na panalangin. Ang lahat na manghahawak sa pangako ng Diyos, gaya ng kanyang ginawa, at magiging taimtim at matiyaga gaya niya, ay magtatagumpay kung paano siya nagtagumpay. Yaong mga ayaw tanggihan ang sarili, na maghirap sa harap ng Diyos, na manalangin nang mahaba at taimtim para sa Kanyang pagpapala, ay hindi tatanggap nito. Ang pakikipagbuno sa Diyos—gaano kaunti ang nakaaalam kung ano ito! Gaano kaunti ang nakapaglalapit ng kanilang mga kaluluwa sa Diyos na may masidhing pagnanais hanggang sa maunat ang lahat ng lakas. Kapag dumating ang mga alon ng panlulupaypay na hindi maipaliwanag sa isang nakikiusap, kakaunti lang ang humahawak na may di-sumusukong pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. PnL

Yaong mga may kaunting pananampalataya ngayon, ay nasa lubhang panganib na bumagsak sa kapangyarihan ng pandaraya ni Satanas at sa utos na puwersahin ang konsensya. At kahit na natitiis nila ang pagsubok, sila’y mailulublob sa mas malalim na pagkabalisa at pagdurusa sa panahon ng kaguluhan, sapagkat hindi sila ginawang ugali na magtiwala sa Diyos. Ang mga liksyon ng pananampalataya na kanilang kinalimutan, ay mapipilitan nilang pag-aralan sa panahon ng nakatatakot na panggigipit ng panghihina ng loob. PnL

Kailangan nating kilalanin na ngayon ang Diyos sa pamamagitan ng pagsubok sa Kanyang mga pangako. Bawat maalab at tapat na panalangin ay itinatala ng mga anghel. Dapat nating alisin ang ating makasariling kalayawan kaysa kalimutan ang pakikipag-usap sa Diyos. Ang pinakamatinding kahirapan, ang kalubus-lubusang pagtanggi sa sarili, na may pagsang-ayon Niya, ay higit na mabuti kaysa kayamanan, karangalan, kariwasaan, at pakikipagkaibigan kung wala ito. Kailangang gumugol tayo ng panahon sa pananalangin. Kung hahayaan natin ang ating mga isipan na mapuno ng mga makamundong interes, maaaring bigyan tayo ng Panginoon ng oras sa pamamagitan ng pag-aalis sa atin ng ginto, bahay, o mga matabang lupa. PnL

Hindi maaakit ang mga kabataan sa pagkakasala kung tatanggi silang pumasok sa anumang landas maliban sa mgaa landas kung saan maaari nilang hingin ang pagpapala ng Diyos. Kung ang mga mensaherong nagdadala ng panghuling solemneng babala sa mundo ay mananalangin para sa pagpapala ng Diyos, hindi sa isang walang sigla, at tamad na paraan, kundi sa marubdob at may pananampalataya, gaya ni Jacob, makatatagpo sila ng maraming lugar kung saan masasabi nilang: “Nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.” (Genesis 32:30.) Sila’y ituturing sa langit na mga prinsipe, na may kakayahang magtagumpay kasama ang Diyos at ang mga tao.— The Great Controversy, pp. 621, 622. PnL