Pauwi Na Sa Langit
Isama Ang Pulong Para Manalangin, Mayo 7
Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang mga sarili sa panalangin. Gawa 1:14. PnL
Ang pagtitiyaga sa pananalangin ay ginawang isang kondisyon sa pagtanggap. Palagi dapat tayong manalangin kung gusto nating lumago sa pananampalataya at karanasan. Tayo’y maging “kagyat sa panalangin” at “magpatuloy . . . sa pananalangin, at . . . magbantay na may pagpapasalamat” (Roma 12:12, Colosas 4:2.) Hinihikayat ni Pedro ang mga mananampalataya na “magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga pananalangin.” (1 Pedro 4:7.) Iniaatas ni Pablo, “Sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Panginoon.” (Filipos 4:6.) “Ngunit kayo minamahal,” sabi ni Judas, “manalangin sa Espiritu Santo; ingatan ninyo ang inyong pag-ibig sa Diyos.” (Judas 20, 21.) Ang walang patid na panalangin ay isang di-napuputol na pakikiisa ng kaluluwa sa Diyos. PnL
Kailangan ng pagtitiyaga sa pananalangin; huwag magpahadlang. Gawin ang lahat ng makakaya para panatilihing bukas ang pakikipagniig sa pagitan ni Jesus at ng iyong kaluluwa. Maghanap ng bawat pagkakataon kung saan puwedeng gawin ang pananalangin. Ang mga taong tunay na naghahangad ng pakikiisa sa Diyos ay makikita sa mga pulong para manalangin, na tapat sa paggawa ng kanilang katungkulan at taimtim at nasasabik na anihin ang lahat ng pakinabang na maaari nilang makuha. Mapauunlad nila ang bawat pagkakataon sa paglalagay ng kanilang mga sarili kung saan puwede nilang matanggap ang silahis ng liwanag mula sa langit. PnL
Dapat tayong manalangin sa loob ng pamilya, at higit sa lahat, hindi natin dapat kalimutan ang lihim na panalangin, sapagkat ito ang buhay ng kaluluwa. Imposibleng lumago ang kaluluwa habang nakalilimutan ang pananalangin. Hindi sapat ang pampamilya at pampublikong panalangin. Sa pag-iisa, hayaang mailantad ang kaluluwa sa mapanuring mata ng Diyos. Ang makaririnig lang dapat ng sekretong panalangin ay Diyos na dumirinig ng panalangin. Walang mausisang tainga ang dapat makatanggap ng pasanin ng gayong mga petisyon. Sa lihim na panalangin ang kaluluwa ay malaya mula sa impluwensya ng kapaligiran, at malaya mula sa kaguluhan. Ang payapa, ngunit maalab, ay makararating sa Diyos. Ang matamis at matibay ang magiging impluwensyang magmumula sa Kanya na nakakikita ng lihim, na kung saan ang tainga ay bukas para makinig ng panalangin na lumalabas sa puso. Sa pamamagitan ng payapa at payak na pananampalataya, nakikipagniig ang kaluluwa sa Diyos at nagtitipon sa sarili nito ng mga silahis ng liwanag ng langit para palakasin at patatagin ito sa panahon ng pakikipaglaban kay Satanas. Ang Diyos ang tore ng ating kalakasan. PnL
Manalangin sa iyong silid, at sa iyong pagtatrabaho sa bawat araw, hayaang maitaas ang iyong puso sa Diyos. Ganito ang ginawang paglakad ni Enoch kasama ang Diyos. Ang tahimik na mga panalangin ay umaangat na gaya ng mahalagang insenso sa harap ng trono ng biyaya. Hindi kayang talunin ni Satanas ang sinumang may pusong nananatili sa Diyos.— Steps To Christ, pp. 97-99. PnL