Pauwi Na Sa Langit

126/364

Ang Pinakauna Mong Gawain, Mayo 6

Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y Iyong pinapakinggan. Awit 5:3. PnL

Sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagiging pag-aari ka ni Cristo, at sa pananampalataya ikaw ay lalago sa Kanya—sa pamamagitan ng pagbibigay at pagtanggap. Kailangan mong ibigay ang lahat—ang iyong puso, kalooban, at paglilingkod—ibigay mo ang iyong sarili sa Kanya upang masunod ang lahat ng Kanyang tuntunin; at kailangan mong kunin ang lahat—si Cristo, ang kabuuan ng lahat ng pagpapala, na manatili sa iyong puso, upang maging iyong lakas, iyong katuwiran, at walang-hanggang katulong—upang bigyan ka ng lakas na sumunod. PnL

Italaga mo ang iyong sarili as Diyos sa umaga; gawin itong pinakauna mong gawain. Ang iyo nawang panalangin ay, “Kunin mo ako, O Panginoon na lubos na sa Iyo. Inilalatag ko sa Iyong paanan ang lahat ng aking panukala. Gamitin mo ako ngayong araw sa Iyong gawain. Manatili Ka sa akin, at hayaan na ang lahat ng aking gagawin ay mahayag sa Iyo.” Ito’y pang-araw-araw na bagay. Italaga mo bawat umaga ang iyong sarili sa Diyos para sa araw na iyon. Isuko mo ang mga panukala mo sa Kanya, na isagawa o huwag gawin ayon sa Kanyang kalooban. Kaya sa araw-araw ay maaari mong ibigay ang iyong buhay sa mga kamay ng Diyos, at dahil dito ay mahuhubog ang iyong buhay nang higit at higit ayon sa buhay ni Cristo. PnL

Ang isang buhay kay Cristo ay buhay ng kapahingahan. Maaaring walang damdamin ng kagalakan, ngunit mayroon dapat na naninirahang mapayapang pagtitiwala. Ang iyong pag-asa ay wala sa iyong sarili; ito’y nakay Cristo. Ang iyong kahinaan ay isinama sa Kanyang lakas, ang iyong kamangmangan sa Kanyang karunungan, ang iyong karupukan sa Kanyang nagtatagal na kalakasan. Kaya hindi ka dapat tumingin sa iyong sarili, at huwag hayaang panatilihin ang isipan sa sarili, kundi tumingin kay Cristo. Hayaang manahan ang iyong isipan sa Kanyang pag-ibig, sa kagandahan, sa kasakdalan, ng Kanyang karakter. Si Cristo sa Kanyang pagtanggi sa sarili, si Cristo sa Kanyang kahihiyan, si Cristo sa Kanyang kadalisayan at kabanalan, si Cristo sa Kanyang di-mapapantayang pag-ibig—ito ang paksa para sa pagbubulaybulay ng kaluluwa. Sa pamamagitan ng pagmamahal sa Kanya, pagtulad sa Kanya, at lubos pagdepende sa Kanya, na ikaw ay mababago ayon sa Kanyang larawan. PnL

Sinasabi ni Jesus, “Manatili ka sa Akin.” Ang mga salitang ito’y nagsasaad ng isipan ng pamamahinga, katatagan, at pagtitiwala. Muli, Siya’y nag-anyaya, “Lumapit kayo sa Akin . . . at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan.” (Mateo 11:28.) Ang mga salita ng mang-aawit ay nagsasaad ng kaparehong isipan: “Ikaw ay manahimik sa Panginoon at matiyaga kang maghintay sa kanya.” . . . (Awit 37:7.) Ang pamamahingang ito’y hindi matatagpuan sa kawalan ng gawain; sapagkat sa paanyaya ng Panginoon sa pangakong pamamahinga ay kasama ang panawagan sa paggawa: “Pasanin ninyo ang Aking pamatok. . . . At makakatagpo kayo ng kapahingahan.” (Mateo 11:29.) Ang pusong nakapagpapahinga ng lubos kay Cristo ay magiging lubos na masipag at aktibo sa gawain para sa Kanya.— Steps To Christ, pp. 70, 71. PnL