Pauwi Na Sa Langit

123/364

Ang Siyensya Ng Panalangin, Mayo 3

Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo. 1 Tesalonica 5:17, 18. PnL

Ang mga liksyon ni Cristo patungkol sa panalangin ay dapat maingat na pagaralan. Mayroong isang makalangit na siyensya sa pananalangin, at ang Kanyang ilustrasyon [ng kaibigan sa hating-gabi, Lucas 11:5-8] ay naghahatid sa pananaw ng mga prinsipyong kailangang maunawaan ng lahat. Ipinakikita Niya kung ano ang tunay na espiritu ng panalangin, itinuturo Niya ang pangangailangan ng pagtitiyaga sa paglalahad ng ating mga kahilingan sa Diyos, at tinitiyak sa atin ang Kanyang kagustuhang dinggin at sagutin ang panalangin. PnL

Ang ating mga panalangin ay hindi dapat maging makasariling paghingi, na para lang sa sarili nating kapakinabangan. Dapat nating hingin ang maaari nating maibigay. Ang prinsipyo ng buhay ni Cristo ang dapat maging prinsipyo ng ating mga buhay. “At dahil sa kanila’y,” sinabi Niya, habang nagsasalita sa Kanyang mga alagad, “pinabanal ko ang Aking sarili, upang sila naman ay pabanalin ng katotohanan.” (Juan 17:19.) Ang kaparehong pagmamalasakit, pagsasakripisyo, pagpapasakop sa mga pang-aangkin ng salita ng Diyos, na nahayag kay Cristo, ang dapat na makita sa Kanyang mga lingkod. Ang misyon natin sa mundo ay hindi para paglingkuran o paligayahin ang ating mga sarili; dapat nating luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanya upang iligtas ang mga makasalanan. Kailangan nating humingi ng mga pagpapala mula sa Diyos upang maibahagi natin ito sa iba. Ang kapasidad sa pagtanggap ay mapananatili lang sa pamamagitan ng pamimigay. Hindi tayo patuloy na makatatanggap ng pagpapala ng langit kung hindi natin ito ibabahagi sa mga taong nasa paligid natin. PnL

Sa talinghaga, ang humihingi ay muli at muling tinatanggihan, ngunit hindi siya tumigil sa kanyang layunin. Kaya tila hindi palaging nakatatanggap ng agarang tugon ang ating mga panalangin; ngunit itinuturo ni Cristo na hindi dapat tayo tumigil sa pananalangin. Ang pananalangin ay hindi para gumawa ng pagbabago sa Diyos; ito’y pagdadala sa atin sa pakikipagkaisa sa Diyos. Kapag tayo’y humiling sa Kanya, maaaring nakikita Niyang kailangan pa nating saliksikin ang ating mga puso at magsisi sa kasalanan. Kaya dinadala Niya tayo sa pagsubok at paglilitis, dinadala Niya tayo sa pamamagitan ng kahihiyan, upang makita natin kung ano ang humahadlang sa paggawa ng Banal na Espiritu sa atin. PnL

May mga kondisyon sa pagtupad ng mga pangako ng Diyos, at hindi kailanman mapapalitan ng panalangin tungkulin. “Kung Ako’y inyong minamahal,” sinabi ni Cristo, “ay tutuparin ninyo ang Aking mga utos.” “Siyang mayroon ng Aking mga utos at tinupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa Akin, at ang nagmamahal sa Akin ay mamahalin ng Aking Ama. At siya’y mamahalin Ko, at ihahayag Ko ang Aking sarili sa kanya.” (Juan 14:15, 21.) Ang mga nagdadala ng kanilang petisyon sa Diyos, na nag-aangkin ng Kanyang pangako samantalang hindi sumusunod sa mga kondisyon, ay nang-iinsulto kay Yahweh. Dinadala nila ang pangalan ni Cristo bilang kanilang awtoridad para sa katuparan ng pangako, ngunit hindi nila ginagawa ang mga bagay na magpapakita ng kanilang pananampalataya kay Cristo at pag-ibig sa Kanya.— Christ’s Object Lessons, pp. 142, 143. PnL