Pauwi Na Sa Langit

113/364

Nananatiling Kapayapaan, Abril 23

Kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo, ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay Ko sa inyo. Juan 14:27. PnL

Kapag tinanggap natin si Cristo bilang isang naninirahang bisita sa kaluluwa, ang kapayapaan ng Diyos, na di-masayod ng pag-iisip, ay magpapanatili sa ating mga puso at isipan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ang buhay ng Tagapagligtas sa lupa, bagaman nabuhay sa gitna ng kaguluhan, ay isang mapayapang buhay. Bagaman patuloy Siyang tinutugis ng mga galit na kaaway, sinabi Niya, “At Siya na nagsugo sa Akin ay kasama Ko, hindi Niya Ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi Kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.” (Juan 8:29.) Walang bagyo ng galit ng tao o ni Satanas ang makagugulo sa katahimikan ng sakdal na pakikipag-usap sa Diyos. At sinasabi Niya sa atin, “Kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo, ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo.” “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at matuto sa Akin; sapagkat Ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.” (Juan 14:27; Mateo 11:29.) Pasanin ninyong kasama Ko ang pamatok ng paglilingkod para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa pagtataas ng sangkatauhan, at inyong matutuklasang madali ang pamatok magaan ang pasanin. PnL

Ang pag-ibig sa sarili ang sumisira sa ating kapayapaan. Habang nabubuhay ang sarili, tayo’y patuloy na nakatayong handa para bantayan ito mula sa pagkasira at insulto; ngunit kapag tayo’y patay, at ang buhay natin ay nakatago kasama ni Cristo sa Diyos, hindi natin dadamdamin ang pagkalimot o pangmamaliit sa atin. Magiging bingi tayo sa kahihiyan at bulag sa mga pangungutya at insulto. . . . PnL

Ang kaligayahang kinuha sa makalupang pinagkukunan ay pabagu-bago tulad ng paiba-ibang mga pangyayaring nagagawa rito; ngunit ang kapayapaan ni Cristo ay isang di-nagbabago at nananatiling kapayapaan. Hindi ito nakadepende sa anumang kaganapan sa buhay, o sa dami ng mga bagay ng mundo o bilang ng mga kaibigan sa lupa. Si Cristo ang bukal ng buhay na tubig, at ang kaligayahang mula sa Kanya ay hindi nagkukulang. PnL

Ang kaamuan ni Cristo, na nahayag sa tahanan, ay magbibigay sa mga nakatira ng kaligayahan; hindi ito pupukaw ng away, hindi magbibigay ng galit na sagot, kundi pinatatahimik ang naiinis na kalooban at nagpapalaganap ng kaamuang nadarama ng lahat na nasa mapalad na samahan. Saanman ito pinahalagahan, ginagawa nitong isang bahagi ng isang malaking sambahayan sa itaas ang pamilya sa lupa. PnL

Higit na mas magiging mabuti para sa atin na magdusa sa ilalim ng maling bintang kaysa pahirapan ang ating mga sarili ng parusa ng paghihiganti laban sa ating mga kaaway. Ang espiritu ng pagkasuklam at paghihiganti ay nagmula kay Satanas, at magdudulot ng kasamaan lamang sa kanya na nagpapahalaga rito. Ang kababaan ng puso, ang kaamuan na siyang bunga ng pananatili ni Cristo, ang siyang tunay na lihim ng pagpapala.— Thoughts From The Mount Of Blessing, pp. 15-17. PnL