Pauwi Na Sa Langit
Takbo Para Sa Korona, Abril 22
Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? 1 Corinto 9:24. PnL
Itinawag pansin sa sulat sa mga Hebreo ang taos-pusong layunin na dapat makita sa takbuhin ng Cristiano para sa walang hanggang buhay. “Itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumihag sa atin at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin. Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya.” (Hebreo 1:1, 2.) Ang inggit, masamang hangarin, masamang pag-iisip, masamang pagsasalita, at pag-iimbot—ang mga ito’y mga pabigat na dapat itabi ng mga Cristiano kung nais nilang matagumpay na tumakbo sa takbo ng imortalidad. Bawat pag-uugali o gawaing umaakay sa kasalanan at nagdudulot ng kahihiyan kay Cristo ay dapat na alisin, anuman ang sakripisyo. Hindi makaaagapay ang pagpapala ng langit sa sinumang sumusuway sa mga walang hanggang prinsipyo ng kabutihan. Ang isang kasalanang minahal ay sapat upang gumawa ng kapahamakan sa karakter at magliligaw sa iba. . . . PnL
Ang mga magkalaban sa sinaunang mga laro, matapos nilang magpailalim sa pagpigil at matinding disiplina, ay hindi pa sigurado sa kanilang tagumpay. “Hindi ba ninyo nalalaman,” tanong ni Pablo, “na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala?” Gaano man kasabik at kaalab ang magiging pagsisikap ng mananakbo, ang gantimpala ay maibibigay lang sa isa. Isang kamay lang ang maaaring humawak sa inaasam na koronang bulaklak. Maaaring may ilang magbibigay ng pinakamatindi nilang pagsisikap para tanggapin ang gantimpala, ngunit habang inaabot nila ang kanilang kamay para kunin ito, ang isa pa, na sa isang iglap ay nasa harapan nila, ang maaaring sumunggab sa inaasam na kayamanan. PnL
Hindi ganito ang usapin sa pakikipaglaban ng Cristiano. Walang sinumang tumatalima sa mga kondisyon ang mabibigo sa dulo ng takbuhan. Walang sinumang taos-puso at nagtitiyaga ang mabibigo sa tagumpay. Ang karera ay hindi para sa pinakamabilis, at ang labanan hindi para sa malakas. Ang pinakamahinang banal, pati na ang pinakamalakas, ay maaaring magsuot ng korona ng walang kamatayang kaluwalhatian. Ang lahat ay maaaring manalo, silang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng biyaya ng langit, na nagdadala ng kanilang buhay ayon sa kalooban ni Cristo. Ang pagsasagawa, sa mga detalye ng buhay, ng mga prinsipyong nakasaad sa salita ng Diyos, ay madalas na itinuturing na hindi mahalaga—isang bagay na hindi masyadong mahalaga para pag-ukulan ng pansin. Ngunit ayon sa tanawin ng isyung nakataya, walang anumang maliit na makatutulong o makahahadlang. Ang bawat kilos ay nagbibigay ng bigat nito sa timbangan na nagtatakda ng tagumpay o kabiguan ng buhay. At ang gantimpalang ibinigay sa nanalo ay magiging katumbas sa lakas at kasigasigan na kanilang pinagsikapan.— The Acts Of The Apostles, pp. 312-314. PnL