Pauwi Na Sa Langit

111/364

Hindi Na Kaakit-Akit Ang Kasalanan, Abril 21

Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng Kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang buhay. Roma 5:10. PnL

Ang katuwiran ni Cristo ang gumagawang katanggap-tanggap sa Diyos ang mga makasalanan at gumagawa para sa kanilang pag-aaring-ganap. Gaano man naging makasalanan ang kanilang mga buhay, kung naniniwala sila kay Jesus bilang kanilang personal na Tagapagligtas, tatayo sila sa harap ng Diyos na may walang bahid na kasuotan ng ipinagkaloob na katuwiran ni Cristo. PnL

Ang makasalanan na kailan lamang ay patay dahil sa pagkakamali at kasalanan ay binuhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Nakikita nila sa pamamagitan ng pananampalataya na si Jesus ang kanilang Tagapagligtas, at nabuhay magpakailanman, na kayang magligtas nang lubos ang “lahat na lalapit sa Diyos sa pamamagitan Niya.” Sa pakikipagkasundong ginawa para sa kanila, nakikita ng mga mananampalataya ang luwang at haba at taas at lalim ng kakayahan—nakikita ang kabuuan ng kaligtasan na binili sa gayong walang kasing halaga, kaya napupuno ang kanilang mga kaluluwa ng papuri at pasasalamat. Nakikita nilang tulad nang nasa salamin ang kaluwalhatian ng Panginoon at nababago sa ganito ring larawan sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon. Nakikita nila ang kasuotan ng katuwiran ni Cristo, na tinahi sa tahian sa langit, na ginawa sa pamamagitan ng Kanyang pagsunod, at ipinagkaloob sa nagsisising kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan. PnL

Kapag natatanaw ng makasalanan ang walang katumbas na bighani ni Jesus, hindi na nakaaakit ang kasalanan sa kanila; sapagkat kanilang napagmasdan ang Pinakapuno sa sampung libo, ang Isa ng totoong kaakit-akit. Napagtatanto nila ang kapangyarihan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng personal na karanasan, na ang lawak ng layunin ay napapantayan lamang ng kahalagahan ng layunin nito. PnL

Mayroon tayong buhay na Tagapagligtas. Wala siya sa bagong libingan ni Jose; Bumangon Siya mula sa mga patay at umakyat sa itaas bilang isang Kapalit at Kasiguruhan para sa bawat nananampalatayang kaluluwa. “Kaya’t yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” (Roma 5:1.) Tayo’y inaring-ganap sa pamamagitan ng mga merito ni Jesus, at ito’y pagkakilala ng Diyos sa kasakdalan ng kabayarang ibinayad sa atin. Na naging masunurin si Cristo kahit hanggang sa kamatayan sa krus ay isang pangako ng pagtanggap ng Ama sa nagsisising makasalanan. Papayagan ba natin ang ating mga sarili na magkaroon ng isang paurung-sulong na karanasan ng pagdududa at paniniwala, paniniwala at pagdududa? Si Jesus ang pangako ng ating pagtanggap sa Diyos. Naninindigan tayo sa harap ng Diyos, hindi dahil sa anumang merito sa ating mga sarili, kundi dahil sa ating pananampalataya sa “Panginoon ng katuwiran.” . . . PnL

Tayo’y buo sa Kanya, tinanggap ng Minamahal, kung tayo lamang ay mananatili sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya.— Signs Of The Times, July 4, 1892 (Faith And Works, pp. 106, 107) PnL