Pauwi Na Sa Langit
Nadarama Ba Natin Ang Ating Pangangailangan? Abril 18
Siya lamang ang malaking bato ng aking kaligtasan, ang aking muog. Awit 62:6. PnL
Kung paanong kailangan natin ng pagkain para sa ating pisikal na lakas, gayundin natin kailangan si Cristo, ang tinapay ng langit, upang panatilihin ang ating espirituwal na buhay at magbahagi ng lakas para gawin ang gawain ng Diyos. Kung paanong ang katawan ay tumatanggap ng sustansyang nagpapanatili ng buhay at kalusugan, gayundin dapat patuloy na makipagniig ang kaluluwa kay Cristo, na nagpapasakop at lubos na umaasa sa Kanya. PnL
Tulad ng mga pagod na manlalakbay na naghahanap ng mga bukal sa disyerto at, sa pagkakita nito, ay napawi ang kanilang matinding uhaw, gayundin makatatamo ang uhaw ng Cristiano ng dalisay na tubig ng buhay, kung saan si Cristo ang bukal. PnL
Habang nakikilala natin ang kasakdalan ng karakter ng ating Tagapagligtas, hahangarin nating maging lubos na mabago at mapanumbalik ayon sa larawan ng Kanyang kadalisayan. Habang higit pa nating nakikilala ang Diyos, mas tumataas ang ating pamantayan ng karakter at mas nagiging taimtim ang ating paghahangad na masalamin ang Kanyang larawan. Ang isang elementong makalangit ay humahalo sa tao kapag ang kaluluwa ay humihingi ng tulong sa Diyos at ang naghahangad na puso ay nakapagsasabing, “Sa Diyos lamang naghihintay ang aking kaluluwa; sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa Kanya.” (Awit 62:5.) PnL
Kung nadarama mo ang pangangailangan ng iyong kaluluwa, kung nagugutom at nauuhaw ka sa katuwiran, ito’y isang katibayan na kumilos si Cristo sa iyong puso, upang Siya’y hanapin na gawin para sa iyo, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Banal na Espiritu, ang mga bagay na imposible mong gawin para sa iyong sarili. Hindi natin kailangang pawiin ang ating uhaw sa mababaw na batis; sapagkat ang dakilang bukal ay nasa itaas lamang natin, na kung saan malaya tayong makaiinom sa masaganang tubig, kung tayo’y tataas pa ng kaunti sa landas ng ating pananampalataya. PnL
Ang mga salita ng Diyos ang siyang bukal ng buhay. Sa paghahanap mo ng mga buhay na bukal, ikaw ay madadala, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa pakikipagniig kay Cristo. Sa iyong kaisipan ay haharap ang mga pamilyar katotohanan sa panibagong aspekto, ang mga talata sa Biblia ay sasambulat sa iyo na may isang bagong kahulugan na gaya sa isang kislap ng liwanag, makikita mo ang kaugnayan ng ibang katotohanan sa gawain ng pagtubos, at malalaman mong pinapatnubayan ka ni Cristo, na nasa tabi mo ang makalangit na Guro. . . . PnL
Habang binubuksan sa iyo ng Banal na Espiritu ang katotohanan ay mapahahalagahan mo ang pinakamahalagang mga karanasan at magnanais na sabihin sa iba ang mga nakaaaliw na mga bagay na inihayag sa iyo. Kapag ikaw ay nadala sa pakikisalamuha sa kanila, maibabahagi mo ang ilang sariwang isipan tungkol sa karakter o gawain ni Cristo.— Thoughts From The Mount Of Blessing, pp. 19, 20. PnL