Pauwi Na Sa Langit
Paano Natin Tinitingnan Ang Ating Mga Sarili?, Abril 17
At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Filipos 4:19. PnL
Noong panahon ni Cristo, sa pakiramdam ng mga pinuno ng relihiyon, sagana sila sa espirituwal na kayamanan. Ang panalangin ng Fariseo na, “Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao” (Lucas 18:11), ay nagpapahayag ng damdamin ng kanyang uri at, sa malaking bahagi, nang buong bansa. Ngunit sa karamihang nakapaligid kay Jesus, may ilang nakadarama ng kanilang espirituwal na karukhaan. Nang mahayag ang banal na kapangyarihan ni Cristo sa makahimalang pagkalap ng isda, yumukod si Pedro sa paanan ng Tagapagligtas, na nagpapahayag, “Lumayo Ka sa akin, sapagkat ako’y taong makasalanan, O Panginoon,” (Lucas 5:8); ganito rin sa karamihang nagtitipon sa bundok, mayroong mga kaluluwang, sa presensya ng Kanyang kadalisayan, ay nakadamang sila’y “aba, kahabag-habag, maralita, bulag, at hubad” (Apocalipsis 3:17); at sila’y naghangad para sa “biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan (Tito 2:11.) Sa mga kaluluwang ito, ang mga salita ni Cristo ng pagbati ay nagbigay ng pag-asa; nakita nilang nasa ilalim ng pagpapala ng Diyos ang kanilang mga buhay. PnL
Ipinahayag ni Jesus ang kopa ng pagpapala sa mga nakadaramang sila’y “mayaman at naging mariwasa” (Apocalipsis 3:17), at hindi na nangangailangan ng anuman, at sila’y tumalikod na may pagka-uyam sa mga masaganang kaloob. Yaong mga nakadaramang sila’y buo, na nag-iisip na sila’y nasa mabuting kalagayan, at kontento na sa kanilang katayuan, ay hindi naghahangad na maging kabahagi ng biyaya at katuwiran ni Cristo. Ang kapalaluan ay hindi nakadarama ng pangangailangan, kaya isinasara nito ang puso kay Cristo at sa walang hanggang pagpapalang Kanyang ibinibigay. Walang lugar para kay Cristo sa puso ng ganitong tao. Yaong mga mayaman at kagalanggalang sa kanilang sariling mga mata ay hindi humihingi sa pananampalataya, at hindi rin tatanggap ng pagpapala ng Diyos. Nadaramang sila’y puno, kaya umaalis silang walang dala. Yaong mga nakaaalam na imposible nilang mailigtas ang kanilang mga sarili, o sa kanilang mga sarili ay di-makagagawa ng matuwid na gawain, ay ang mga nakapagpapahalaga sa tulong na maibibigay ni Cristo. Sila ang mga dukha sa espiritu, na Kanyang ipinapahayag na mga pinagpala. PnL
Siyang pinatawad ni Cristo, ay ginagawa muna Niyang nagsisisi, at gawain ng Banal na Espiritu na ipadama ang pagkakasala. Nakikita ng mga may pusong kinilos ng sumumbat na Espiritu ng Diyos na walang mabuti sa kanilang mga sarili. Nakikita nilang ang lahat ng kanilang mga nagawa ay sinamahan ng sarili at kasalanan. Tulad sa kawawang maniningil ng buwis, na kanilang nilalayuan, na hindi masyadong itinataas ang mata sa langit, at sumisigaw na, “Diyos mahabag Ka sa akin na isang makasalanan.” (Lucas 18:13, huling bahagi). At sila’y pinagpala.— Thoughts From The Mount Of Blessing, pp. 6-8. PnL