Pauwi Na Sa Langit

105/364

Maging Totoo Sa Prinsipyo, Abril 15

O Panginoon, ako'y nakatayo sa muog, patuloy kapag araw, at ako'y nakatanod sa aking bantayan nang buong magdamag. Isaias 21:8. PnL

Hindi kailanman mismong binili ni Jesus ang kapayapaan sa pamamagitan ng kompromiso. Umaapaw sa pag-ibig ang Kanyang puso para sa buong lahi ng tao, ngunit hindi kailanman Siya naging mapagbigay sa kanilang mga kasalanan. Siya’y higit sa kaibigan para maging tahimik habang sila’y nagpapatuloy sa isang landasing wawasak sa kanilang mga kaluluwa—mga kaluluwang binili Niya ng Kanyang sariling dugo. Siya’y gumawa upang ang mga tao’y maging totoo sa kanilang mga sarili, totoo sa kanilang mas mataas at walang hanggang kabutihan. Ang mga alipin ni Cristo ay tinawag para sa kaparehong gawain, at sila’y dapat na mag-ingat at kung hindi, sa kanilang pagsisikap na maiwasan ang pag-aaway, ay kanilang isuko ang katotohanan. Kanilang “sundin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan” (Roma 14:19); ngunit ang tunay na kapayapaan kailanman ay hindi makukuha sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso ng prinsipyo. At walang sinuman ang magiging totoo sa prinsipyo na hindi pupukaw ng oposisyon. Ang isang Cristianismong espirituwal ay sasalungatin ng mga anak ng pagsuway. Ngunit inutusan ni Jesus ang Kanyang mga alagad, “Huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa.” Yaong mga totoo sa Diyos ay hindi kailangang matakot sa kapangyarihan ng tao o sa galit ni Satanas. Kay Cristo ang kanilang walang hanggang buhay ay matatag. Ang kanila lang ikatakot ay ang isuko nila ang katotohanan, at dahil dito ay ipagkanulo ang pagtitiwala na kung saan ay pinarangalan sila ng Diyos. PnL

Gawain ni Satanas na punuin ang mga puso ng tao ng pag-aalinlangan. Dinadala niya na tingnan ang Diyos bilang isang mahigpit na hukom. Tinutukso niya sila para magkasala, at ituring nila ang kanilang mga sarili na masyadong marumi para lumapit sa kanilang Ama na nasa langit o pukawin ang Kanyang awa. Nauunawaan ng Diyos ang lahat ng ito. Tiniyak ni Jesus sa Kanyang mga alagad sa awa ng Diyos para sa kanila sa kanilang mga kailangan at kahinaan. Walang buntong-hininga ang lumabas, o kirot na nadama, at walang isang pagdadalamhati ang tumusok sa kaluluwa, kundi ang pintig ay umaalingawngaw sa puso ng Ama. PnL

Ipinapakita ng Biblia sa atin ang Diyos na nasa Kanyang mataas at banal na lugar, hindi sa isang katayuang walang ginagawa, hindi sa katahimikan at pag-iisa, kundi pinalilibutan ng laksa-laksa at libu-libong mga banal na matatalino, ang lahat ay naghihintay na gawin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng mga daluyang hindi natin maunawaan, Siya’y aktibong nakikipag-ugnayan sa bawat bahagi ng Kanyang kaharian. Ngunit sa isang maliit na bahagi ng isang sanlibutan, sa mga kaluluwang pinagbigyan Niya ng Kanyang bugtong na Anak para magligtas, nakasentro ang Kanyang pagmamalasakit at ang pagmamalasakit ng buong langit. Nakakiling ang Diyos mula sa Kanyang trono para marinig ang daing ng mga nahihirapan. Sa bawat taimtim na panalangin, sumasagot Siya, “Narito Ako.” Itinataas Niya ang mga sawingpalad at inaapi. Sa lahat ng ating pagdurusa Siya’y nagdurusa.— The Desire Of Ages, p. 356. PnL