Pauwi Na Sa Langit
Hindi Ka Nag-Iisa, Abril 12
Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo. Juan 17:9. PnL
Ang tanging sanggalang laban sa kasamaan ay ang paninirahan ni Cristo sa puso sa pamamagitan ng Kanyang katuwiran. Nagkakaroon ng kapangyarihan ang tukso sa atin dahil umiiral ang pagkamakasarili sa ating mga puso. Ngunit kung titingin tayo sa dakilang pag-ibig ng Diyos, lalabas sa atin ang pagkamakasarili sa nakapangingilabot at nakasusuklam nitong karakter, at gugustuhin natin itong tanggalin sa ating kaluluwa. Sa pagluluwalhati ng Banal na Espiritu kay Cristo, napalalambot at napasusuko ang ating mga puso, at nababago ng biyaya ni Cristo ang karakter. PnL
Hindi kailanman tatalikuran ni Cristo ang kaluluwang nilabanan ng Kanyang kamatayan. Ang kaluluwa ay maaaring mang-iwan sa Kanya at matabunan ng tukso, ngunit hindi kailanman tatalikuran ni Cristo ang isang taong Kanyang tinubos ng Kanyang sariling buhay. Kung mababago ang ating espirituwal na paningin, makikita natin ang mga kaluluwang nakayuko dahil sa pahirap at nabibigatan ng pagdadalamhati, na nabibigatan tulad ng isang kariton sa ilalim ng mga tungkos at handang mamatay dahil sa panghihina ng loob. Makakikita tayo ng mga anghel na mabilis na lumilipad para tulungan ang mga tinukso, na nasa bingit ng bangin. Pinupuwersang paatrasin ng mga anghel mula sa langit ang mga hukbo ng kasamaan na pumapaligid sa mga kaluluwang ito, at pinapatnubayan silang tumayo sa tiyak na pundasyon. Ang nagngangalit na labanan sa pagitan ng dalawang hukbo ay kasing totoo ng paglalaban ng mga sundalo sa mundong ito, at sa isyu ng espirituwal na labanan nakadepende ang walang hanggang kahihinatnan. PnL
Kung paano ito sinalita kay Pedro ay gayundin sa atin, “Hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo, subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Lucas 22:31, 32.) Salamat sa Diyos, hindi tayo iniwang nag-iisa. Siyang “umibig nang gayon sa sanlibutan na ibinigay ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16), ay hindi mang-iiwan sa labanan ng kaaway ng Diyos at ng sangkatauhan. “Tingnan ninyo,” sinasabi Niya, “binigyan Ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.” (Lucas 10:19.) PnL
Mabuhay na nakaugnay sa nabubuhay na Cristo, at hahawakan ka Niyang matatag ng Kanyang kamay na hindi kailanman bumibitaw. Alamin at paniwalaan ang pagibig ng Diyos sa atin, at makatitiyak ka; na ang pag-ibig ay isang di-magugupong muog sa lahat ng mga pandaraya at mga pagsalakay ni Satanas.— Thoughts From The Mount Of Blessing, pp. 118, 119. PnL