Pauwi Na Sa Langit
Matutong Huwag Magtiwala Sa Sarili, Abril 10
Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kahariang langit. Mateo 18:4. PnL
Hindi hinahamak ng Tagapagligtas ang edukasyon; sapagkat kung kontrolado ito ng pag-ibig ng Diyos at nakatalaga sa Kanyang gawain, ang pagpapalago ng kaisipan ay isang pagpapala. Ngunit nilagpasan Niya ang matatalinong lalaki noong Kanyang kapanahunan, sapagkat sila’y masyadong nagtitiwala sa sarili na naging dahilan kung bakit hindi sila makadalamhati sa sangkatauhan, at maging kamanggagawa ng Lalaki ng Nazaret. . . . Ang unang bagay na dapat matutuhan ng mga magiging manggagawang kasama ng Diyos ay ang liksyon ng di-pagtitiwala sa sarili; kung gayon, handa na silang tumanggap ng karakter ni Cristo. Ito’y hindi makukuha sa pamamagitan ng edukasyon sa mga pinakamahusay na paaralan. Ito’y bunga ng katalinuhang makukuha mula lamang sa Guro na galing sa langit. PnL
Pinili ni Jesus ang mga hindi nag-aral na mangingisda sapagkat hindi sila naturuan sa mga tradisyon at maling kaugalian ng kanilang panahon. Sila’y mga lalaking may likas na kakayahan, at sila’y mapagpakumbaba at natuturuan—mga lalaking Kanyang matuturuan para sa Kanyang gawain. Sa karaniwang kalakaran ng buhay ay maraming tao ang matiyagang lumalakad sa araw-araw na gawain, na hindi alam na mayroon silang kapangyarihan na, kung tatawaging kumilos, ay magtatanghal sa kanila na kapantay ng mga pinakamarangal na mga namumuno. Ang pagdami ng isang sanay na kamay ay kailangan upang gisingin ang mga natutulog na kaisipan. Ang ganitong mga lalaki ang tinawag ni Jesus para Kanyang maging kamanggagawa; at binigyan Niya sila ng kalamangan na maging kasama Niya. Kailanman ay hindi nagkaroon ng ganitong guro ang mga dakilang kaisipan ng mundo. Nang matapos ang mga alagad sa pagsasanay ng Tagapagligtas, hindi na sila mga ignorante at walang pinag-aralan. Sila’y naging tulad Niya sa isip at karakter, at nalaman ng ibang sila’y naging kasama ni Jesus. PnL
Hindi pinakamataas na gawain ng edukasyon ang ibahagi lamang ang kaalaman, kundi ibahagi ang bumubuhay na lakas na natatanggap sa pamamagitan ng pagtatagpo ng isipan sa isipan, at ng kaluluwa sa kaluluwa. Tanging buhay lamang nakapagbibigay buhay. Kung gayon, isang napakagandang pribilehiyo ang nasa kanila, na sa loob ng tatlong taon ay araw-araw na kasama ang makalangit na buhay na siyang dinaluyan ng nagbibigay-buhay na udyok na nagbigay ng pagpapala sa mundo! Higit sa lahat ng kanyang mga kasama, isinuko ni Juan, ang pinakamamahal na alagad, ang kanyang sarili sa kapangyarihan ng kahanga-hangang buhay na iyon. Sinasabi niyang, “Ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatotohanan, at sa inyo’y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.” (1 Juan 1:2.)— The Desire Of Ages, pp. 249, 250. PnL