Pauwi Na Sa Langit
Kailangan Ng Diyos Ang Pahintulot Mo, Abril 8
Ang Panginoon ang aking lakas at kalasag; sa Kanya ang aking puso ay nagtitiwala, kaya't ako'y natutulungan. Awit 28:7. PnL
Kasabay ng pangangaral ng ebanghelyo, kumikilos ang mga ahensyang ginagamit ng mga nagsisinungaling na mga espiritu. Marami ang nakikialam sa mga ito dahil lang sa kuryosidad, ngunit sa pagkakita ng mga pruwebang ang pagkilos nito’y higit pa sa kapangyarihan ng tao, sila’y patuloy na nadadaya, hanggang sa sila’y makontrol ng isang kalooban na mas malakas kaysa kanila. Hindi sila makatatakas mula sa misteryosong kapangyarihang ito. PnL
Nasira ang pananggalang ng kanilang mga kaluluwa. Wala na silang harang laban sa kasalanan. Kapag minsang tinanggihan ang mga pagpigil ng salita ng Diyos at ng Kanyang Espiritu, walang nakakaalam kung gaano kalalim ang pagkalugmok na kanilang lulubugan. Maaari silang alipinin ng mga sekretong kasalanan o ng namumunong pagkahilig gaya nang nangyari sa sinapian ng demonyo sa Capernaum. Ngunit may pag-asa pa ang kanilang kalagayan. PnL
Ang mga paraan kung paano mapagtatagumpayan ang masama ay sa pamamagitan ng paraan kung paano nagtagumpay si Cristo—sa kapangyarihan ng salita. Hindi kinokontrol ng Diyos ang ating mga isipan na walang pahintulot sa atin; ngunit kung nanaisin nating malaman at gawin ang Kanyang kalooban, ang Kanyang mga pangako ay sa atin: “At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos.” (Juan 8:32; 7:17.) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa mga pangakong ito, lahat ay maililigtas sa mga patibong ng pagkakamali at sa kontrol ng kasalanan. PnL
Malayang pumili ang buong lahi ng tao kung anong kapangyarihan ang nais nilang mamuno sa kanila. Walang bumagsak nang napakababa, walang lubhang napakasama, na hindi makatatagpo ng katubusan kay Cristo. Ang inaalihan ng demonyo, kapalit ng pananalangin, ay nakapagsasalita lang ng mga salita ni Satanas; ngunit naririnig ang hindi masabing pagsusumamo ng puso. Ang mga papayag na pumasok sa tipanang relasyon sa Diyos ng langit ay hindi iniwan sa kapangyarihan ni Satanas o sa kahinaan ng sarili nilang likas. Sila’y inaanyayahan ng Tagapagligtas; “O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan, makipagpayapaan sila sa akin, makipagpayapaan sila sa akin” (Isaias 27:5.) Ang mga espiritu ng kadiliman ay makikipaglaban para sa kaluluwa kapag ito’y nasa ilalim ng kanilang pamumuno, ngunit makikipagpunyagi ang mga anghel ng Diyos para sa kaluluwang ito na may nagtatagumpay na kapangyarihan. Sinabi ng Panginoon, “Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan, o maililigtas ba ang biktima ng malupit? . . . Ngunit ganito ang sabi ng Panginoon, Pati mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang biktima ng malupit ay maliligtas, sapagkat Ako’y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo, at Aking ililigtas ang mga anak mo.” (Isaias 49:24, 25.)— The Desire Of Ages, pp. 258, 259. PnL